Powered by Blogger.

Thursday, August 25, 2005

Kailangan: Modernong Bayani

anluwage.com


Ipinagdiriwang tuwing huling Linggo ng Agosto ang Araw ng mga Bayani bilang pag-alala sa mga nakipaglaban para sa ating kalayaan. Nagkaroon ang samu’t saring paraan ng pakikipaglaban ang ating mga ninuno. Nakipagtunggali ang mga kawal ni Lapu-Lapu laban sa tropa ni Magellan. Nagsipag-aklas sina Silang, Dagohoy, atbp sa mga Kastilang pinuno sa kani-kanilang lokalidad. Nagsipagsulat ng mga nobela’t sanaysay ang mga intelektwal na ipinatapon sa Europa. Nakipag-alyansa ang mga guerrilya sa mga Amerikano para patalsikin ang mga Hapones. Nagrosaryo, nag-abot ng mga bulaklak, nakihalubilo ang mga mamamayan sa mga militar na nagdulot ng mapayapang pagbabago sa liderato ng bansa.

Sinasabing walang bayaning di naglaan ng buhay, panahon, kayaman, at kakayahan para sa isang magandang adhikain. Maihahalintulad ang mga dakilang Pinoy sa binhi ng mustasa. Kung hindi ibabaon ang binhi sa lupa, hindi ito magiging isang malaking puno na maaaring magbigay ng bunga. Gayon din naman, kung hindi magsasakripisyo ang ating mga ninuno, wala tayong matatamasang kalayaan ngayon.

Patuloy pa ring nananawagan ang Inang Bayan para sa mga Modernong Bayani. Sa tingin ng iba, mahirap nang mangyari ito. Hindi na yata madaling iugnay ang kalagayan nina Lolo’t Lola sa sitwasyon ng ika-21 siglo. Totoong malayo na ang narating ng bansa mula nang sakupin siya ng mga banyaga, pero mahalagang makilala at mapaunlad natin ang diwa ng pagkabayani.

Puwede mo itong simulan sa sarili mong bakuran. Maging tapat ka sa iyong asawa’t mga anak. Magtrabaho nang marangal. Mangarap na di nang-aapak ng iba. Gamitin mo ang iyong talino sa mabuti. Higit sa lahat, manalig ka sa Diyos na Siyang naghahasik ng ginintuang hangarin sa iyong puso.

Hindi mahirap maging isang bayani. Problema lang sa atin, malimit nating hinahanap ang mga kumplikadong pamamaraan samantalang nandiyan naman ang mga simple at praktikal na hakbang para magpakabayani.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP