Bukod sa kahirapan at terorismo, isa sa mga malaking hamon sa buong mundo ay ang Human Immunodeficiency Virus (HIV). Bilang isang virus posible itong magpasalin-salin sa mga tao sa pamamagitan ng dugo, gatas ng ina, at mga katas na lumalabas sa kasarian ng lalaki o babae. Sa oras na tumindi ang kapit ng HIV, humihina ang resistensya ng sinuman – matanda o bata, mayaman o dukha, pulitiko o botante – hanggang sa siya’y magkaroon ng Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS). Tinatayang 5 tao ang namamatay kada minuto dahil sa AIDS.
Bawat unang araw ng Disyembre inaalala ng buong mundo ang hamong ito sa pamamagitan ng pagdaraos ng World Aids Day. Lahat tayo’y sangkot sa suliraning ito. Para sa mga siyentipiko, isa itong panawagan para makapagsaliksik ng mga lunas para maiwasan o maibsan ang kinatatakutang karamdaman. Kaisa ng mga nasa edukasyon at iba pang ahensya, kinakailangan silang makapagbigay ng wastong impormasyon upang ang bawat isa’y may kaalaman hinggil sa sakit na ito. Para sa mga namamahala sa bansa, lalo na sa mga mayayamang nasyon, kailangang makilala nila ang mahalaga nilang papel na manguna sa pagharap sa problemang ito at tulungan ang mga naghihikahos na bansang pinamumugaran ng HIV at AIDS.
Para sa ating lahat, ang araw na ito’y isang paanyaya na dumamay sa mga apektado ng HIV at AIDS. Gayon din naman, isa itong babala na mag-ingat sa virus at manatiling tapat sa asawa’t pamilya.
Walang sinasanto ang AIDS.
Wednesday, November 30, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment