Powered by Blogger.

Thursday, December 08, 2005

Ave Maria!

Hindi magiging kumpleto ang Pasko at ang pagdiriwang nito kung isasantabi ang Mahal na Birheng Maria. Kulang ang mga himig pamasko at mga palamuti gaya ng Belen kung wala si Maria. Salat din ang liturhiya ng Simbahan kung di man lang mababanggit ang babaeng bukod na pinagpala sa lahat ng nilkha.

Pinili ng Diyos si Maria na maging ina ng Kanyang nag-iisang anak at ito’y Kanyang ipinangako mula pa nang pagtaksilan Siya nina Adan at Eba. Magiging tao ang Diyos para iligtas ang tao mula sa kasalanan at mapanumbalik ang dignidad ng tao bilang mga tagapagmana ng langit. Sa pagpili kay Maria niloob ng Panginoon na huwag siyang magmana ng salang orihinal. Hindi magtatagumpay ang plano ng Diyos kung ang magiging ina ng ipinangakong Tagapagligtas ng mundo ay alipin ng kasalanan.

Habang papalapit nang papalapit ang Kapaskuhan, maging hamon nawa sa atin ang dakilang misteryo ng Kalinislinisang Paglilihi kay Maria. Sa maraming pagkakataon nabahiran tayo ng kabi-kabilang pagkakamali’t pagkakasala. Pakiramdam natin parang nawala na ang Diyos sa ating piling. Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Sikapin nating mamuhay nang matuwid at may dalisay na hangarin. Kung gagawin natin ito, walang duda na mapupuno din tayo ng grasya kagaya ng Mahal na Ina.

O Mariang ipinaglihing walang sala, O Mariang Patrona ng Pilipinas, ipanalangin mo ang bayang dumudulog sa iyo.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP