Powered by Blogger.

Thursday, January 05, 2006

Tulay Tungo sa Tagumpay

Kada ika-9 ng Enero puno ng mga deboto ang simbahan ng Quiapo kung saan matatagpuan ang mapaghimalang imahen ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Tanyag na tanyag ang debosyon sa Nazareno dahil siguro sa nakikita ng mga Pilipino sa larawan ng Panginoong Jesus na may pasang krus ang larawan ni Mang Juan Pasang-Cruz. Hindi nga ba’t tanging ang mga marunong magpasan ng kanilang krus ang nararapat sumunod kay Kristo?

Kabi-kabila na ang krus na kailangang pasanin ng bawat Pilipino. Subalit hindi lahat ng ito’y dapat pasanin. Maaaring magtiis ang isang magulang na mawalay sa kanyang mag-anak. Pero dapat niyang iwasan ang bisyo, kung hindi, tiyak na mamamatay sa gutom ang pamilya. Maaaring magsakripisyo ang isang estudyante na magsunog ng kilay. Ngunit kailangan niyang talikuran ang pagiging bulakbol kung nais niyang maging titulado.

Minsan hindi rin natin maiwasang magpasan ng krus. Kagaya halimbawa ng patuloy nating pagbabayad sa utang panlabas ng ating bansa – utang na tanging sina Marcos at kanyang mga alipores lamang ang nakinabang. Magpahanggang ngayon sige pa rin ang pagpataw ng buwis para tustusan ang utang na ito. Katawa-tawa kung iisipin na pati mga inosenteng bata ay may utang sa IMF-World Bank!

Sa ating pagpupugay kay Jesus Nazareno, alalahanin sana natin na hindi nanatiling may pasang krus ang Panginooon. Nagtagumpay Siya sa kasamaan at kamatayan. Maging tulay nawa ang ating debosyon sa Kanya upang maging marunong tayo – bilang isang bayan at isang indibidwal - na kumilala sa mga tunay nating krus, maging malakas sa pagpasan sa mga ito, at magkamit ng tagumpay balang araw.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP