Powered by Blogger.

Thursday, January 12, 2006

Sisihan Kung May Sakuna

Noong Lunes, dagsaang muli ang mga deboto para magpugay sa Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pagsama sa mala-dagat na prusisyon. Hindi maiiwasang isipin ang peligrong matagal nang kakambal ng nasabing prusisyon. Mayroong maaaksidente o mababawian ng buhay sa maraming kadahilanan. Nagkatotoo nga ang aming inaakala. Isang namimintuho ang nakaapak sa manhole na naging sanhi ng kanyang maagang pagpanaw.

Sino ang may kasalanan? Itinuturo ni Mayor Lito Atienza ang isang residenteng nagpabungkal ng koneksyon sa tubig nang walang permiso mula sa City Hall. Ipapaimbestiga daw niya ang nangyari. Itinuturo naman ng isang tinderong naglalako malapit sa simbahan ang minadaling pagpapaaspalto ng mga kalsadang dadaanan ng prusisyon. Sang-ayon sa kanya, sa sobrang pagmamadali hindi na naayos ang ibang bahagi ng daraanan – kasama na ang manhole na natatakpang lang ng plywood.

Taun-taon na lang nakakarinig na tayo ng ganitong mga nakakalungkot na balita at pagpapasahan ng sisi. Ttila isa nang ordinaryong balita ang mga sakunang nagaganap tuwing pista sa Quiapo.

Huli na sa aming palagay kung magpapaimbestiga pa si Atienza. Hindi na natin pa maibabalik ang buhay ng isang mamamayang ang tanging nais ay parangalan ang kanyang pintakasi. Mahilig ibandera ni Atienza ang pagbuhay muli sa Maynila. Hindi ganito ang nasaksihan noong Lunes.

Napapanahon nang maglunsad ng isang risk-assessment ang pamunuan ng Maynila at ng Basilika Menor ng Nazareno tungkol sa taunang prusisyon ng Nazareno. Gaya ng nasabi na namin, hindi nagwakas ang buhay ng dakilang Nazareno sa krus. Hindi rin dapat magwakas ang buhay ng mga deboto sa mga sakunang maaari namang maiwasan.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP