Powered by Blogger.

Thursday, February 09, 2006

Mahirap Maging Mahirap

Taus-puso kaming nakikiramay sa mga binawian ng buhay sa trahedyang naganap sa Ultra noong ika-4 ng Pebrero, unang taong anibersaryo ng programang Wowowee. Hindi aakalaing ang isang pagdiriwang na sinasabing puno ng aliw at perang papremyo ay mauuwi sa isang pagluluksa.

Sa nangyari sa Ultra, iisang katotohanan ang bumulaga sa amin: kahirapan. Kahirapang nagtulak sa ilan nating kababayan para makipagsapalaran. Marami ang nagsiluwas ng probinsya - nagdilihensya pa marahil ng pamasahe nila – para lang makilahok sa paligsahan. Nakakalungkot isiping kapit sa patalim ang ibang Pilipino magkaroon lang ng laman ang kanilang bulsa’t sikmura.

Hindi namin maiwasang magtanong. Sa tindi ng kahirapan ano ang ginagawa ng gobyerno? Ano ang ginagawa ng mga taong inilagay natin sa puwesto na sumumpang itataguyod ang katarungan sa bansa natin? Sa dami ng naghihirap halatang walang katarungan.

Mahilig tayong gumaya sa mga pamahiin ng mga Chino lalo na’t nitong katatapos pa lang na Chinese New Year. Sa kabila nito, bakit hindi pa rin tayo umuunlad? May isang aral ang mga pinsan nating Chino: bigyan mo ng isda ang pulubi at kinabukasan manghihingi na naman siya uli sa iyo pero turuan mong mangisda ang pulubi at makikita niyang may saysay ang kanyang buhay. Aminin nating hanggang pagpapamudmod na lang ng bigas at iba pang gamit ang ating mga lider. Wala silang kakayahang pulitikal para maingat ang mga taong umaasa sa kanila.

Mahirap maging mahirap. Isang masakit na katotohanang pumukaw sana sa ating pamahalaang nagtutulugtulugan.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP