Powered by Blogger.

Wednesday, February 22, 2006

Marcos pa rin?

ANLUWAGE.COM


Dalawampung taon na ang nakakalipas mula nang mag-aklas ang sambayanang Pilipino laban sa mapang-aping rehimen ni Ferdinand Marcos. Dalawang dekada na mula nang umalsa mula sa dibdib ng mga mamamayan ang matagal nang ikinikimkim na galit sa bulok na sistema ng pamahalaan. Napatalsik ang diktador at mga kampon niya. Naibalik ang demokrasya sa bansa. Nabuhay na mag-uli ang pag-asa ng mga Pinoy sa pagkakaluklok sa isang ordinaryong may-bahay para pangunahan sila tungo sa magandang bukas.

Nakakataba ng puso kung babalik-balikan ang mga kaganapan sa EDSA noong 1986. Nasundan pa ito noong 2001, tanda na ang kapangyarihan ay nasa mga tao - mga taong nagluluklok at nagpapabagsak sa nanunungkulan, mga taong nagtutustos ng mga gastusin ng pamahalaan, mga taong umaasang sa oras ng pangangailangan ay may gobyerno silang matatakbuhan.

Nakakalungkot isiping sa kabila ng nakamit ng bansa, naghahari pa rin ang multo ni Marcos. Bukod sa mainit na pagtanggap ng mga tao at media sa kanyang mga naiwan, sige pa rin ang pagpapatupad ng kanyang mga adhikaing papatay kay Juan Pasang Cruz. Magpahanggang ngayon malaking porsyento ng taunang budget ng bansa ay nakalaan sa pagbayad sa mga utang sa World Bank-IMF – mga utang ni Marcos na tanging siya at ang kanyang mga alipores ang nakinabang. Inakalang si Cory ang kabaligtaran ni Marcos subalit nagkamali ang bayan. Iginalang ni Cory at ng lahat ng humalili sa kanya sa MalacaƱan ang mga utang ng diktador. May mga kongresista’t senador na nagtangkang magpasa ng batas para mapawalang saysay ang kautusan ni Marcos na maglaan ng budget na pambayad-utang subalit sa tindi ng pulitika hindi sila nagtagumpay. Nakakainis isiping tuloy pa rin ang pagbayad sa utang sa kabila ng matinding kahirapan.

Sinasabing natatakot ang gobyernong itigil ang pagbayad at baka ma-black list sa makapangyarihang World Bank-IMF. Samantalang hindi sila nagdadalang-takot sa mga mamamayang pinapatawan nila ng responsibilidad na bayaran ang utang – sa tinding laki ng utang ultimong mga sanggol na ipinaglilihi pa lang ay may pagkakautang na.

Hangga’t hindi natatauhan ang ating mga lider, patuloy na hahalakhak ang multo ni Marcos sa buong bansa habang nagkakasayahan sila sa EDSA. Isang nakakatakot na paghalakhak daig pa ang umaalingasngas na coup d’etat.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP