Powered by Blogger.

Wednesday, March 01, 2006

Isinugo Ako...Ngayon

Dumako na naman tayo sa Panahon ng Kuwaresma, ang 40 araw na paghahanda sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Jesus. Isa na naman itong pagkakataon para magtika, gumawa ng mga sakrispisyo, at magbagong buhay. Nitong mga nakaraang buwan naging isyu sa ating bansa at sa buong mundo ang kahirapan. Nakita natin ito sa mga dumalo sa Ultra na nahantong sa isang malagim na trahedya. Namalas natin ito sa mga nangangayayat na batang walang makain dulot ng giyera at salot. Napapansin natin ito sa mga batang sa murang edad pa lang ay kailangan nang magbanat ng buto para may maipantawid-buhay.

Subalit mayroon pang mas matinding kahirapan: ang kahirapan ng kaluluwa. Nakakaraos man tayo buhay pero hindi natin napapansin na uhaw o gutom na sa grasya ang ating mga kaluluwa.

Nang dumalaw ang Panginoong Jesus sa Nazaret, dumalo Siya sa pagsamba sa sinagoga. Doon inatasan Siyang basahin ang isang sipi ng Banal na Kasulatan na naglalaman ng ganitong mga salita: isinugo ako para ipahayag ang mabuting balita sa mga dukha.

Puno ang Bibliya ng mga kuwento kung paano nakiramay sa mga naghihikahos ang Panginoon. Kay Kristo natagpuan nila ang pag-asa at kaligtasan. Sa bisa ng Binyag, ipinagkatiwala din sa atin ng Diyos ang magpahayag sa mga mahihirap. Bilang pagkilala sa misyong ito, inilulunsad namin ngayong Miyerkules ng Abo ang samu’t saring gawain na naglalayong maghatid ng mabuting balita sa mga maralita. Inaanyayahan din namin kayong makibahagi’t makisangkot. Sama-sama nating gawing makabuluhan ang Kuwaresma. Oras na para talikuran ang masama at manalig sa Mabuting Balita!

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP