Nabuhay na muli ang Panginoon, gaya ng Kanyang sinabi! Isa itong patotoo na tapat Siya sa pangako. Isa itong patotoo na talagang Diyos si Kristo na hindi masasaling ng kamatayan.
Sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli, naganap nang lahat ni Jesus ang Kanyang misyon sa mundo. Subalit alam Niyang marami pang dapat gawin kaya nga inihabilin Niya sa Kanyang mga apostoles ang pagpapatuloy ng misyong ibahagi ang Kanyang Mabuting Balita sa lahat, lalo na sa mga mahihirap. Mula noon, marami nang tumalima sa Kanyang utos para dalhin ang Mabuting Balita sa apat na sulok na daigdig. Hindi lang mga pari at madre ang sangkot dito, kundi lahat ng binyagang Kristiyano.
Simula pa lang nang itatag ang Anluwage, kinilala na naming kami’y kabahagi sa misyong ito. Kagaya ng ibang ‘misyonero’ dumanas din kami ng di mabilang na mga pagsubok at ‘kamatayan’ sa pagtupad sa aming mga tungkulin. Sa awa ng Diyos, kami’y patuloy na nagpupunyagi para magpatotoo sa pamamagitan ng pagsusulat.
Nais naming samantalahin ang pagkakataong ito na muling kumatok sa inyong puso. Kailangang-kailangan namin ng karagdagan pang mga kamay, isip, at puso para maipagpatuloy ang aming proyekto. Kung may talento ka, bakit di mo ialay ito sa kadakilaan ng Diyos? Ito na marahil ang pagkakataong matagal mo nang hinihintay para magsilbi sa Kanya. Ito na marahil ang iyong paraan para magpatotoo na si Kristo’y muling nabuhay!
Sunday, April 16, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment