Sa pag-amin niyang hindi na niya maibabalik pa ang kalinisang inalis sa kanila, himingi ng paumanhin si Cardinal Roger Mahony, arsobispo ng Los Angeles, sa mga biktima ng sexual abuse na kinasangkutan ng mga paring kanyang pinamumunuan. Bukod pa dito, nagkaroon na ng negosasyon sa pagitan ng Los Angeles Archdiocese at mga biktima. Bunga ng negosasyong ito ang pagbibigay ng $600 milyong settlement para sa mga biktima. Sinasabing ito na ang pinakamalaking bayad ng isang archdiocese sa Amerika mula noong 2002.
Sa kulturang Pinoy kung saan malaki ang paggalang sa mga pari, nakakagulat na makabalita na naglakas-loob ang mga biktimang magreklamo laban sa mga alagad ng Diyos.
Kailangan nating tanggapin ang katotohanang ang pari, kagaya ng sinuman sa atin, ay tao lang na nagkakamali. Kagaya natin, napapailalim din siya sa batas. At kung siya nga'y napatunayang nagkasala, dapat lang na patawan siya ng parusa - pagkakulong man ito o kaya'y pagtanggal sa kanyang parokya at pagsasailalim sa mga pagsusuri o counselling kung bakit niya ginawa ang ganoon katinding krimen.
Hindi sapat ang salapi para ipahayag kung gaano kalungkot ang Simbahan sa sinapit ng mga biktima mula sa mga taong pinagkakatiwalaa't iginagalang natin. Mahalagang maging seryoso ang Simbahan sa paggawa ng mga hakbang para maiwasan na ang mga krimeng gaya nito at huwag pagtakpan ang sinumang sangkot dito sa pag-asang huhupa din ang unos. Importante rin na ang bawat ordinaryong mamamayan ay maging mapagmasid at mapanuri sa kanilang mga ministro dahil may malaki silang bahagi sa Simbahan sa bisa ng kanilang binyag.
Ang pari ay tao lamang, subalit hindi ito dapat gawing dahilan para kunsintihin ang anumang pagkakasala nila.
No comments:
Post a Comment