"I prefer a government run like hell by the Filipinos than a government run like heaven by the Americans."
"The Filipino is worth dying for."
Ito'y mga salitang nanggaling sa dalawang kilala at itinatanging Pilipino sa ating kasaysayan. Ang una'y binigkas ni Manuel Luis Quezon, pangalawang pangulo ng republika, noong panahong ipinaglalaban niya ang kasarinlan ng Pilipinas. Ang pangalawa'y nagbuhat kay Benigno Aquino Jr, isang senador na sa kanyang kapanahuna'y nakipagtunggali sa diktaduryang Marcos.
Kapwa mahalaga kina Quezon at Aquino ang Inang Bayan, lalo't higit ang taumbayan. Hindi mo masasabi ang mga ganitong salita kung wala kang tapang at determinasyong maglingkod sa bayan, kahit sa puntong iambag mo ang iyong buhay para sa kanya - yumao si Quezon dahil sa tuberculosis habang nanunungkulan; pinaslang si Aquino ng 'di pa nakikilalang salarin nang makauwi siya sa bansa para harapin si Marcos.
Marami, sa kasalukuyan, ang kumekuwestyon sa pagkakaluklok sa puwesto ni Gloria Arroyo. Bukod dito, talamak na ang gobyerno sa katiwalian, kawalan ng hustisya, pandaraya, atbp - mga pahiwatig ng mala-impyernong pamamalakad ng bansa ng isang kapwa-Pinoy. Hindi nag-iisa ang administrasyong Arroyo sa ganitong mga eksena. Nang tumakbong presidente si Elpidio Quirino, sinasabing pati mga puno, ibon, at patay sa sementeryo'y nagsipagboto sa kanya. Ilang taon matapos makaupo sa puwesto, ipinatupad ni Ferdinand Marcos ang Batas Militar na kumitil sa kalayaan ng pamamahayag at yumurak sa karapatang pantao. Nang humalili si Corazon Aquino kay Marcos hinayaan niyang bayaran ng bansa ang mga utang ng diktador sa World Bank sa kabila ng kahirapan ng mga mamamayan. Panahon ni Fidel Ramos nang magpatayo ng Expo Filipino, subalit matapos ang ilang taon ito'y nagmistulang walang saysay at ang tanging idinulot ay pagsasayang ng perang puwede nang itulong kay Juan de la Cruz. Si Joseph Estrada, sa kabila ng kanyang pagiging 'makamasa', ay namuhay nang marangya sa piling ng kanyang mga babae.
Bagama't bunsod ng pagka-makabayan ang dahilan kung bakit mas nanaisin pa ni Quezon ang ganitong uri ng gobyerno, hindi naman dapat na maging ganito ang sistema lalo na't kung magkakaroon tayo ng dalisay na pagmamalasakit sa bayan.
Thursday, August 16, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment