Siyamnapung taon na mula nang magpakita ang Mahal na Birhen kina Lucia dos Santos, Francisco Marto, at Jacinta Marto sa Fatima, Portugal. Naganap ito noong kasagsagan ng Unang Digmaang Pandaigdig. Sa kanyang pagpapakita sa kanila, hiniling ni Maria ang pagdarasal ng Banal na Rosaryo, ang pagbabalik-loob ng tao sa Diyos, at ang pagsasakripisyo bilang pagbabayad-puri sa ating mga kasalanan. Nagbabala siya na kung hindi ito matutupad, lalong magdurusa ang daigdig.
Nakakalungkot isiping hindi lahat ng tao noong panahong iyon ay nakinig sa pakiusap ng Mahal na Ina. Patuloy na lumala ang sitwasyon sa mundo na nahantong sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1939.
Magpahanggang ngayon, mapupuna natin ang pagbagsak ng ating moralidad, ang pagpapasasa sa mga makamundong bagay, ang pagtalikod sa ating mga magagandang nakagisnan.
Kailangan pa ba nating maghintay ng isa na namang digmaan? Sa mga nangyayari sa mundo sa kasalukuyan, halatang hindi pa rin napag-uukulan ng pansin ng bawat Kristiyano ang panawagan sa Fatima. O baka naman bahagi na lang ito ng kasaysayan para sa kanila?
Winika ni Maria sa tatlong bata na magtatagumpay din sa huli ang kanyang Kalinislinisang Puso. Kung tunay tayong may puso kay Maria, alam na natin kung ano ang ating gagawin para matupad ang kanyang sinabi sa lalong madaling panahon.
Friday, August 24, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment