Powered by Blogger.

Saturday, December 08, 2007

Paghahandang Kasama si Maria

Kilala ang ating bansa kung paano nito ipagdiwang ang Kapaskuhan. Sa pagpasok pa lamang ng Setyembre, nagsisimula nang maggayak ang mga tindahan ng mga palamuting pamasko. Lalo itong sumisidhi habang papalapit nang papalapit ang Disyembre at umaabot sa kanyang tugatog sa pagdiriwang ng Simbang Gabi. Isang napakagandang eksenang tunay nating maipagmamalaki sa buong mundo.

Subalit kagaya ng ibang pagdiriwang, ito'y pinaghahandaan. Noong isang linggo, natunghayan ninyo ang aming panawagan na maging bagong belen para sa paparating na Hari ng mga hari.

Sa pagdako natin sa ikalawang linggo ng ating paghahanda sa Pasko, ibaling naman natin ang ating pansin kay Maria, ang Ina ng Diyos. Bahagi ng panahon ng Adbiyento ang selebrasyon ng Inmakulada Konsepsyon na ating ginugunita tuwing ika-8 ng Disyembre. Mayroong mga nag-aakalang ang kapistahang ito'y tungkol sa paglilihi ni Maria kay Jesus, subalit ito'y tungkol sa paglilihi ni Santa Ana kay Maria.

Sa panahong binalangkas ng Diyos na isugo sa makasalanang mundo ang Kanyang Anak, inisip Niyang isalba mula sa salang orihinal ang magiging ina ng Pangakong Mesiyas. Angkop lamang na ang magiging ina ng banal na Diyos ay hindi nabahiran ng salang minana nating lahat kina Adan at Eba.

Hindi man tayo ipinaglihing walang sala kagaya ng Mahal na Ina, inaanyayahan tayong magsikap na mamuhay nang malinis upang tayo'y maging mga bagong "ina" ni Jesus. Kung paanong dinala sa pag-ibig at tuwa ni Maria si Jesus sa kanyang sinapupunan, taglayin rin natin ang Panginoon nang may pagmamahal at paggalang sa ating mga puso. Kung paanong pinangalagaan ni Maria ang kanyang anak, pakaingatan din natin Siya mula sa mga pag-uugali't gawaing hindi naaayon sa Kanyang kalooban. At kung paanong ibinahagi si Jesus ni Maria sa iba, sikapin din nating ipagkaloob Siya sa ating kapwa lalo na sa mga hindi pa lubos na nakakakilala sa Kanya.

Patuloy tayong dumulog kay Mariang ipinaglihing walang sala na samahan niya tayo sa ating paglalakbay sa daan ng Adbiyento upang ang ating Pasko'y hindi lamang magsimula at magwakas sa mga palamuting kasalukuyang nakasabit sa ating mga gusali.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP