Powered by Blogger.

Saturday, January 19, 2008

Kapag Nawala Na Ang Karunungan

Taliwas sa inaakala ng iba, ang "pagbabalik" ni Pope Benedict XVI ng Misang Latin sa Simbahang Katolika ay nagsisimula nang umani ng magandang bunga. Sang-ayon kay Cardinal Dario Castrillon Hoyos, pinuno ng Pontifical Commission Ecclesiae Dei, nakakatanggap na sila ng liham sa ilang Katolikong nais makipagkasundo sa Inang Simbahan. Ang mga Katolikong ito ay kaanib ng Society of St Pius X na tumangging gamitin ang Misang "Novus Ordo" na ipinatupad ng Vatican II.

Mula pa nang manungkulan ang kasalukuyang Papa, kinilala na niya ang kahalagahan na abutin ang mga ibang Katoliko kagaya ng mga miyembro ng Society of St Pius X gayon din ng ibang Kristiyano tulad ng Church of England. Maliwanag sa kaisipan ng Santo Papa ang pagkaisahin ang lahat ng kumikilala kay Kristo at makipagtulungan sa ibang relihiyon tungo sa isang mapayapa at maunlad na mundo.

Nakakalungkot lamang isipin na sa kabila ng mga magagandang hakbang na ito, may ilang propesor ng Sapienza University of Rome ang sumulat sa kanilang rektor upang ipahayag ang kanilang di pagsang-ayon sa pagdalo ng Papa sa pagbubukas ng panibagong taong akademiko. Sang-ayon sa kanila, ang Papa ay isang teologong may makalumang pananaw at higit na pumapabor sa relihiyon kaysa agham. Nagbanta pa ang ilang estudyante ng demonstrasyon kung magpupunta pa rin ang Papa sa unibersidad. Minabuti na lamang ng Papa na kanselahin ang kanyang pagtungo sa nasabing okasyon.

Tila nawalan na ng sapienza (karunungan sa wikang Italyano)ang mga dapat sana'y tagapagturo ng karunungan sa pinakalumang unibersidad sa Roma. Naniniwala kaming ang karunungan ay mapapasaatin lamang kung mananatili tayong bukas sa sinuman. Ito'y kitang-kita sa mga tradisyunal na Katolikong nais magbalik-loob sa Simbahan. Ito'y nadarama sa ibang Kristiyanong nakikisangkot tungo sa pagkakaisa. Ito'y bumubukal sa puso ng mga taong may ibang pananampalataya na nais makipag-diyalogo sa mga Katoliko. Ito sana ang dapat nating asahan sa sinumang unibersidad, Katoliko man ito o hindi.

Isang malaking kawalan, hindi sa Santo Papa, kundi sa Sapienza University ang pagkakaroon ng mga taong may Christianophobia, ang wala sa katuwirang pagkatakot o pagkamuhi sa mga Kristiyano.

Nananawagan kami sa lahat na patuloy nating alalahanin sa ating mga panalangin, sakripisyo, at mabubuting gawa ang Santo Papa. Kaisa niya, tahakin natin ang landas ng katotohanang tanging kay Kristo, ang Tunay na Karunungan, lamang natin matatagpuan.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP