Noong ika-28 ng Hunyo 2007, bisperas ng kapistahan nina San Pedro at San Pablo, inilunsad ni Pope Benedict XVI ang Taon ni San Pablo bilang pag-alala sa ika-2000 kaarawan ng dakilang apostol ni Kristo.
Pinangalanang Saulo, naging pangunahin siyang taga-usig ng mga Kristiyano noong kanyang kapanahunan. Isa sa mga naging biktima ng kanyang pagpaparusa ay ang diyakonong si San Esteban. Sa kanyang paglalakbay sa Damasco upang lipulin ang mga Kristiyano roon, nagpakita sa kanya ang Panginoon na nagdulot ng pagbabago sa takbo ng kanyang buhay. Ang dating galit kay Jesus at sa Kanyang Simbaha'y isa nang tapat at masigasig nitong kaanib. Ang kanyang mga sulat na malimit nating natutunghayan sa Banal na Misa ay isang patunay kung gaano siya napuspos ng Espiritu Santo sa pagtupad sa utos ng Dakilang Guro.
Ang buhay at halimbawa ni San Pablo ay nagpapaalala sa atin na kaya ng Diyos na gamitin ang bawat isa sa atin para sa Kanyang kapurihan, kahit na gaano pa tayo kasama.
Lubos kaming humahanga sa pagiging bukas ni San Pablo sa paanyaya ni Kristo gayon din sa ningas ng kanyang kalooban sa pagdadala ng Salita ng Diyos sa iba't ibang bahagi ng mundo. Siya'y inspirasyon sa aming pagsuong sa mga lugar na di pa namin gamay. Alam namin na kung paano siya pinatnubayan ng Poong Maykapal, ganoon din ang magaganap sa ating lahat.
San Pablo, ipanalangin mo kami!
No comments:
Post a Comment