Sa mahigit 400 taong pagiging Kristiyano ng ating bansa, iisa pa lang Pilipino ang itinanghal na santo ng Simbahang Katolika sa katauhan ni San Lorenzo Ruiz. May isa na tayong kandidato sa pagiging santo, si Blessed Pedro Calungsod. Kamakailan lamang, nagkaroon na rin tayo ng posibleng maging blessed (beata) - si Venerable Ignacia del Espiritu Santo.
Dumaraan sa mahaba at mabusising proseso ang sinumang Katoliko na noong nabubuhay pa lamang ay nagpamalas na ng kabayanihan bilang tagasunod ni Kristo. Para igawad ng Santo Papa ang titulong venerable, kailangang mapatunayan na lubos na isinabuhay ng isang kandidato ang 3 theological virtues: faith, hope, at charity. Gayon din ang 4 na cardinal virtues: prudence, justice, temperance, at fortitude.
Ang mga katangian ito'y katangian ng bawat Kristiyano, katangian nating lahat! Mainam na muli natin itong suriin:
Faith - Tapat ang Diyos sa anumang sabihin Niya. Ganito rin kaya tayo sa ating pakikitungo sa Kanya at sa kapwa?
Hope - Hangad ng Diyos ang makakabuti sa atin. Umaasa ba tayong matapos ang ating pakikipagtunggali sa kasamaan ay makakapiling natin Siya sa buhay na walang hanggan?
Charity - Ang ating Diyos ay Diyos ng Pag-ibig. Naipapadama ba natin ito sa iba lalo na sa mga hindi pa nakakakilala kay Kristo?
Prudence - Bago natin suungin ang anumang bagay, pinagninilayan ba natin itong maigi para mapili natin ang wasto at iwasan ang mali?
Justice - Namumuhay ba tayo nang matuwid? Naayon ba sa kautusan ng Diyos ang ating mga gawi? Pantay ba tayo kung trumato sa kapwa?
Temperance - Kaya ba nating kontrolin ang ating pagsasalita, ang ating pagkain, at ang pagkagumon sa masamang bisyo gaya ng pagsusugal at pag-inom?
Fortitude - May lakas ba tayo para harapin ang anumang hirap at sakit maipahayag lamang ang ating katapatan kay Jesus?
Ang kabanalan ay isang panawagan hindi lamang sa mga pari't madre kundi sa lahat. Posibleng magkaroon ng banal na magulang, anak, duktor, guro, pulitiko, manggagawa, atbp. Kung ang bawat isa sa ati'y tutugon sa hamon ng kabanalan, marahil marami nang santo ang ating bansa. At mga tunay na halimbawa't inspirasyon lalo na sa mga kabataang nasisiraan na ng loob sa mga lider ng mga institusyon at personalidad sa telebisyon o pulitika.
Sunday, February 03, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Ang akala kasi ng mga ordinaryong Katoliko ang Kabanalan ay para lamang sa mga taong kabilang sa Hirarkiya ng Simbhan tulad ng Papa, ng mga obispo, ng mga pari at madre. Ngunit hindi nila nalalaman na ang Kabanalan ay para sa lahat ng tao, para rin ito sa mga layko.
Tandaan po nating si San Lorenzo Ruiz at Beato Pedro Calungsod ay mga layko, mga simpleng Katoliko na dahil sa pagmamahal sa pananampalataya natin ay naging mga Santo. Sila ay naging martir dahil sa pagmamahal sa ating paniniwala.
Ito ang tawag ng Simbahan, ang UNIVERSAL CALL TO HOLINESS. Na lahat tayo ay may pagkakataong ma-recognize someday na Santong nasa lagit.
Post a Comment