Powered by Blogger.

Sunday, February 10, 2008

Panahon ng Pagtitika, Panahon ng Pagpapagaling

Aminin man natin o hindi, lahat tayo'y nangangailangan ng kagalingan hindi lamang sa ating pisikal na karamdaman kundi lalo't higit sa sakit ng ating kaluluwa, ng ating kalooban. Ang karamdaman, pisikal man o espirituwal, ay maaaring dulot ng ating pag-abuso sa ating sarili. Halimbawa, kung panay-panay ang ating paninigarilyo, malamang na magkaroon tayo ng sakit sa baga bukas-makalawa. Kung lagi na lang tayong naninirang-puri, inilalayo natin sa grasya ang ating kaluluwa.

Isa sa mga naging mensahe ng Mahal na Birhen ng Lourdes kay Santa Bernardita ay ang kahalagahan ng pagtitika. Sa pamamagitan nito, ating binabalik-balikan at kinikilala ang mga sanhi ng ating karamdamang espirituwal: ang ating mga pagkakamali't pagkukulang. Kung makikita natin ang ating mga pagkakasala at ang epekto nito sa atin at sa iba, makapagsisimula tayong tumalikod dito. Hindi ito madali lalo na kung hilig nating bigyan-katuwiran ang anumang ikilos natin.

Ngayong Kuwaresma, pakinggan natin ang paanyaya ng Mahal na Ina. Kung tayo'y mag-uukol ng oras na magtika, matututuhan natin ang daan pabalik sa Diyos na lubos na nasaktan sa ating mga sala. At kung tayo'y makikipagkasundo sa Kanya, matatanggap natin ang espirituwal na kagalingang matagal na nating inaasam.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP