Powered by Blogger.

Thursday, February 28, 2008

Hibang

Nagprisinta si dating Pangulong Joseph Estrada na maging 'caretaker' ng gobyernong pansamantalang hahalili kung sakaling bumaba sa puwesto si Pangulong Gloria Arroyo. Marami ang nagtaka o kaya'y nagulat sa anunsiyo ng pintalsik na presidente.

Sa kabilang banda, ipinahayag ni Arroyo na siya ang pangulo "...at wala nang iba!" sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-22 anibersaryo ng EDSA I. Binanggit din niya na hindi na matatanggap ng mundo ang isa pang people power sa ating bansa. Maaring umayon tayo na siya nga ang pangulo ng Pilipinas, subalit aanhin mo pa ang puwesto mo kung wala ng respeto at tiwala ang mga pinamumunuan mo? Bukod dito, wala sa kanyang mga kamay kung tatanggapin ba o hindi ng mundo ang isa pang people power lalo na kung ito'y kailanganin.

Samantala, nanawagan si dating Pangulong Corazon Aquino sa pagbibitiw ni Arroyo. Nang tanungin siya tungkol sa isyu ng hahalili kay Arroyo, sinabi niyang saka na lamang ito pag-usapan. Ang mahalaga para sa biyuda ni Ninoy ay maalis sa Palasyo si Gloria. Hindi na kaya naaalala ni Cory ang mga sinasaad sa kasalukuyang Saligang-Batas, ang batas na kanyang ipinalit sa dating ipinairal ni Marcos? Minsan nang nangako si Cory na magiging kabaligtaran siya ni Marcos subalit hindi niya ganap na natupad ito.

Iisang bagay ang nag-uugnay sa tatlong magkakaibang pahayag ng ating mga pangulo: kapangyarihan. Para kay Erap, ang maupo pansamantala bilang 'caretaker' ay isang bindikasyon sa pagpapatalsik sa kanya noon. Para kay Gloria, ang umalis sa puwesto ay pagharap sa mga kaso nang wala ng 'immunity' gaya ng mayroon siya sa kasalukuyan. Para kay Cory, ito'y ang pagiging iresponsable kahit balewalain pa ang mga sistemang muling nabuhay nang siya'y nanunungkulan.

Ang kapangyarihan ay maihahalintulad sa alak. Hindi sapat ang isang lagok. At kapag ang isang lagok ay naging dalawa o dalawang daan, ito'y nakakalasing. At nakakahibang.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP