Ang bawat isa sa atin ay maituturing na pinuno. Bilang mga indibidwal, pananagutan nating ilagay sa ayos ang ating buhay. Bilang mga magulang, tungkulin nating pamunuan ang ating mag-anak. Bilang mga guro, responsibilidad nating gabayan ang ating mga estudyante. Bilang mga manggagamot, mahalagang bigyan natin ng pansin ang kalusugan ng ating mga pasyente. Bilang mga lider ng pamayanan - Simbahan, bansa, atbp - bahagi ng ating panunungkulan ang pangalagaan ang kapakanan ng ating mga nasasakupan.
Sa kanyang pagiging asawa at ama, masasabing isang natatanging pinuno si San Jose. Kilala bilang isang taong matuwid, minahal niya nang higit pa sa kanyang buhay sina Maria at Jesus.
Isa sa mga kahangahangang katangian ni San Jose bilang pinuno ng Banal na Mag-anak ay ang pagiging mapagkumbaba. Ang kanyang kababaang-loob ang naging susi para manatili siyang nakikinig, nakikiisa, at tumutupad sa kalooban ng Ama.
Hindi lahat ng lider ay may ganitong katangian. Ang dating arkanghel na si Lucifer ay nagmataas sa Diyos kung kaya't itinapon siya sa impiyerno't ngayo'y lalong kilala na sa pangalang Satanas. Si Herodes na labis na 'nasaktan' ang yabang dahil sa bagong-silang na hari ay nag-utos na ipapatay ang lahat ng mga sanggol. Magpahanggang ngayon, patuloy nating nasasaksihan ang pagiging arogante ng mga may kapangyarihan na animo'y para na silang mga amo ng taumbayan.
Paano napanatili ng dakilang santo ang kabaang-loob? Lagi siyang gising sa mga tanda ng panahon. Maaalalang balak na niyang hiwalayan nang lihim si Maria nang malaman niyang nagdadalantao ito. Sa kanyang pagninilay, marahil naitanong niya kung ano ang nais ipagawa sa kanya ng Panginoon sa kaganapang ito. Sa mga nangyayari sa ating bansa o mundo sa ngayon, ano kaya ang nais ipagawa sa atin ng Panginoon?
At kung nais nating mabatid at maunawaan ang kalooban ng Diyos sa mga nangyayari sa ating paligid, kagaya ni San Jose, gawin nating bahagi ng ating pamumuhay ang panalangin. Angkop na angkop ito lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma.
Sa pamamagitan ng pagdarasal, maririnig natin ang tinig ng Panginoon. Tinatawag ka ba Niyang magbalik-loob sa Kanya? Inaanyayahan ka ba Niyang ilagay sa ayos ang pinsalang dulot ng iyong pagkakasala? Hinahamon ka ba Niyang pagbutihin ang iyong bokasyon? Sinasabi ba Niyang ipaubaya mo na sa Kanya ang iyong posisyon? Anuman ang sabihin sa atin ng Ama, buong kababaang-loob natin itong pakinggan.
Sunday, March 09, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment