Bahagi ng ating Misa tuwing Linggo ang Pagpapahayag ng Pananampalataya. Maliliit pa lang tayo ay itinuturo na ito sa atin kung kaya't hindi malayong saulado na nating lahat ito.
Isa sa mga sinasampalatayanan natin ay ang muling pagkabuhay ni Jesus. Naniniwala tayong makalipas ang tatlong araw mula nang ialay Niya ang Kanyang buhay sa krus, bumangon Siya mula sa kamatayan. Ang pagkabuhay na muli ng Panginoon ay patunay na Siya ay Diyos at totoo sa Kanyang pangako.
Subalit sapat na ba ang manampalataya tayo? Maliligtas na ba tayo sa pananampalataya lamang? Sang-ayon kay Apostol Santiago, kahit ang mga demonyo ay sumasampalataya sa Diyos (Santiago 2:19)!
Hindi sasapat ang pananampalataya kung nanaisin nating sundan ang mga yapak ni Jesus at maging bahagi ng kalangitan balang araw. Sang-ayon kay P. Guillermo Tejon, OP upang tayo'y tawaging tunay na Kristiyano, kinakailangang dalhin tayo ng ating pananampalataya sa pag-asa. Kung naniniwala tayong nabuhay na muli si Kristo at sa pamamagitan nito'y nalupig ang kasamaan at kasalanan, nararapat lamang na umasa tayong mabubuhay na muli upang makibahagi sa buhay na walang hanggan sa piling ng Ama.
At kung tayo'y lubos na umaasang ang kaligtasan ay mapapasaatin sa pamamagitan ni Jesus, natural lamang na Siya ay ating ibigin. Pag-ibig ang ating nadarama sa isang Diyos na tapat sa Kanyang salita, sa isang Panginoon na mahabagin, sa isang Amang walang nais kundi ang tayo'y malagay sa mabuti.
Sa pagdiriwang natin ng dakilang kapistahan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, maging marubdob nawa ang ating pagsasabuhay at pagbabahagi ng tatlong katangiang ito, tatlong mahahalaga at magkakaugnay na katangian na magbubukod sa atin sa mga demonyo.
Saturday, March 22, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment