Isang magandang balita ang inihatid ng Vatican sa pamamagitan ng Annuario Pontificio sa lahat ng mga Katoliko noong Pebrero 29. Ang nasabing magandang balita ay tungkol sa pagdami ng populasyong Katoliko pati na rin ng mga pari at mga seminarista.
Ngunit sa isang balita mula sa CBCP Online inihahayag nito ang tungkol sa dalawang seminaryong Katoliko na nabawasan ang bilang ng kanilang mga graduates. Ang dalawang seminaryo, Regional Major Seminary (REMASE) at Saint Francis Xavier College Seminary (XACOSE), na parehong nasa Mindanao, ay nagkaroon lamang ng tiglalabing dalawang graduates ngayong taon. Sa XACOSE, lima ay galing sa SVD at ang natitirang pito ay mga diocesan seminarians. Sa pito, tatlo lamang ang magpapatuloy ng theology at ang natitira ay lalabas upang humanap ng ibang trabaho.
Ayon kay REMASE Rector Fr. Abel Apigo, nangyayari ang mga pagkaunti ng bilang ng mga graduates dahil sa hirap ng buhay ng ilang seminaristang napilitang maghanap ng ibang trabaho upang makatulong sa kanilang mga pamilya.
“Come follow me and I will make you fishers of men,” ito ay isa sa mga pamilyar na talata ng Ebanghelyo na mainam na maging paksa sa pagpapalaganap ng bokasyon ngunit ayon naman sa isang pamilyar na talata, “Many has been called but few are chosen.”
Kung sa Mindanao nauubos na ang mga laman ng mga seminaryo, maaari bang sabihing ganito ang nangyayari sa pangkalahatan ng mga seminaryo sa Pilipinas? Nawa’y hindi magkaganoon.
Sa kasaysayan ng mga agham minsang itinuring ang teolohiya bilang pangunahin sa lahat kaya nga mayroon tayong mga kilalang pantas ng Simbahan tulad nila San Agustin, San Anselmo, Santo Tomas Aquino, at iba pa. Ngunit sa pagdaan ng panahon at sa pag-unlad ng ibang mga agham natabunan na ang teolohiya.
Ang Pilipinas ang natatanging Katolikong bansa sa Asya. Totoo ito dahil siya ang nagpapadala ng mga misyonero sa ibang bansa lalo na sa Asya.
Ngunit sa lumabas na balita sa pagkaunti ng mga graduates ng mga seminaryo, hindi ba ito nakababahala? Isa pang nakababahala ay ang pagtanda naman ng mga taong nagkakaroon ng bokasyon, nangangahulugang patanda na nang patanda ang edad ng mga pumapasok sa mga seminaryo.
Kahanga-hanga ang ginagawa ng Archdiocese of Cebu sa kanilang tinatawag na “Vocations Jamboree” na ginaganap taun-taon. Kailangan sigurong lahat ng mga diyosesis ng Pilipinas ay magkaroon ng ganitong hakbangin kung saan nagkakatipon ang mga kabataan para kanilang maunawaan ang kahalagahan ng bokasyon. Ang mapapansin kasi sa mga lokal na Simbahan sa ngayon ay ang kawalan ng pagpapahalaga para sa mga bokasyon. Hindi na nakapagtataka ito dahil sa pagkaunti ng mga pumapasok sa mga seminaryo.
Ang pasya ay nasa sa atin. Kung hindi natin gustong maging walang laman ang mga seminaryo kailangan na nating kumilos. Para sa ilang miyembro ng lipunan, huwag ninyong patayin ang mga bokasyon. Para sa mga magulang, huwag kayong maging sakim sa Panginoon sa pagkakaloob sa Kanya ng inyong mga anak na maglingkod sa Kanyang Simbahan. Para sa mga kabataan, huwag isantabi kung may bokasyon kayo dahil kayo ang pag-asa ng Simbahan. Isaisip natin ang isang linya ng isang magandang awitin: “You are called go forth and preach, proclaim the Good News for the life of the Church. You are called go forth and preach, proclaim the Good News for the light of the world…”
Tuesday, April 01, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment