Mataas ang tingin nating mga Pinoy sa bansang Amerika. Mula pa nang pagpasok ng ika-20 siglo, bahagi na ng ating kasaysayan ang mga Amerikano. Kagaya ng mga Kastilang dati'y sumakop sa atin, may malaking impluwensya ang Estados Unidos sa ating kultura, edukasyon, pamamaraan ng gobyerno, at pamumuhay. Marami tayong kababayan at kamag-anak ang nagsilikas sa Pilipinas upang makipagsapalaran sa bansang ito na kilala sa pagiging mayaman at pinakamakapangyarihan.
Mapalad ang Amerika sa pagdalaw ng Santo Papa Benedict XVI sa kanilang bansa sa Abril 15-20. Ang pagbisita ng pinuno ng Simbahang Katolika sa bansang kumikilala sa karapatang-pantao, katarungan, at kalayaan ay napakagandang pagkakataon para madiskubreng muli ng bansa ang kanyang papel sa kanyang mga mamamayan at sa buong mundo.
"God bless America!" ang malimit nating naririnig sa mga kilalang personalidad sa bansa na lubhang ipinagmamalaki ang biyayang maging isang Amerikano.
"God bless America!" ang aming panalangin na sa pagdalaw ng Santo Papa ay magising ang Amerika upang paigtingin pa ang pagsaklolo sa mga bansang nangangailangan sa pamamagitan ng karagdagang tulong-pinansyal, makatarungang kalakalan, at wastong pangangalaga sa kapaligiran.
"God bless America!" ang aming hiling na manguna rin ang maimpluwensyang bansang ito sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa pamamagitan ng pamumuhay nang kalugud-lugod sa mapagpalang Diyos.
Friday, April 11, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment