Powered by Blogger.

Friday, April 18, 2008

Tiyan o Kapaligiran?

Ano ba ang mas matimbang: ang sapat na pagkain sa hapag ng bawat tahanan o ang malinis na kapaligiran? Kapwa mahalaga ito. Kapwa suliraning kinakaharap hindi lamang ng Pilipinas kundi ng bawat bansa.

Madalas kapag eleksyon, naririnig natin na bahagi ang mga ito sa mga isyung haharapin ng mga pulitiko kung ating silang iboboto. Sapat na makakain dahil kailangan natin ito para mabuhay. Malinis na kapaligiran na maaari lamang maganap kung lilipat tayo sa paggamit ng mga bio fuels lalo na't pamahal na nang pamahal ang langis.

Isa sa mga naging balakid para lumakas ang produksyon ng bigas ay ang pagtatayo ng mga golf courses. Subalit mayroon ding mga lupain na iniukol sa pagtatanim ng mga halamang pagmumulan ng bio fuels gaya ng mais, soya beans, atbp. Sa tumitinding suliranin sa bigas na maaaring magbigay-daan sa kaguluhan sa bansa, may ilang mambabatas ang nananawagang itigil muna ang pagpapatupad ng produksyon ng mga bio fuels at ilaan muli ang mga lupaing ito sa pagtatanim ng palay.

Kami'y nakikiisa sa hakbanging ito. Bagama't sumasang-ayon kaming may mga malaking benepisyo sa kapaligiran ang mga bio fuels, naniniwala kaming nararapat na ipagpaliban muna ang proyektong ito. Posibleng suriin muna ng mga kinauukulan kung posible bang pagtaniman ng mga pagkukunan ng bio fuels ang mga lupaing hindi angkop na pagtaniman ng palay.

Mahalagang pagtuunan ito ng pansin ng gobyerno. Hindi ang paggawad ng kapatawaran sa mga sundalong sangkot sa Magdalo mutiny. Hindi ang anumang pakulong magbibigay lamang ng maling pag-asa sa ating mga mamamayan.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP