
Hindi kapani-paniwala ang pagtatanggol ni Arsobispo Oscar Cruz sa mga baklang nagnanais magsagala sa Santacruzan. Taliwas sa pagpuna ni Cardinal Gaudencio Rosales - na sinuportahan ng iba pang mga obispo - sa mga parokyang kinukunsinte ang pagkakaroon ng mga baklang sagala, sinabi ng kontobersyal na arsobispo ng Lingayen-Dagupan na mabuti pang makita sa mga prusisyon ang mga baklang kumikilos nang pormal at mukhang disente kaysa sa mga bata at magagandang babae na namumuhay nang imoral.
Natural na purihin ni Danton Remoto, lider ng Ang Ladlad, isang samahan ng mga bakla, ang pagdepensa sa kanila ni Cruz. Sinabi pa niya na maliit lang na isyu ang paglahok ng mga bakla sa tradiysunal na prusisyon tuwing Mayo.
Parehong iniiwasan nina Cruz at Remoto ang tunay na isyu dito: mayroong mga tungkulin na maaaring gampanan ng babae (o lalaki) lamang. Sa kaso ng Santacruzan, babae at babae lamang ang dapat na pumapel bilang Reyna Elena o sinumang sagala. Lalaki at lalaki lamang ang puwedeng maging konsorte. Ang magiging hadlang dito ay kung walang babae sa isang komunidad na malayong mangyayari kahit kailan. Kung papayagang gumanap ang mga kapatid nating bakla sa mga tungkuling ito hindi lamang natin sinasalaula ang tradisyon; nilalapastangan pa natin ang natural.
Hindi maliit na isyu ang pagkakaroon ng mga baklang sagala sa Santacruzan.
Kung papaboran ni Cruz ang mga bakla na lumahok sa Santacruzan kaysa mga imoral na babae, bakit hindi niya pag-ibayuhin ang kanyang krusada para ilagay sa tama ang mga naliligaw ng landas - anuman ang kanilang kasarian? Aminin nating talamak na sa imoralidad ang iba at siya, bilang pastol ang dapat manguna sa pagpuksa dito gaya ng kanyang pagbatikos sa kasalukuyang administrasyon, jueteng, atbp.
Kung sinasabi ng mga bakla na sila ay mga deboto ng Mahal na Birhen, igalang nila ang tradiyon at ang natural gaya ng paggalang at pagsunod dito ni Maria. Gamitin nila ang kanilang talento sa paglinang ng kultura natin nang hindi ito inilalagay sa alanganin.
No comments:
Post a Comment