Powered by Blogger.

Thursday, May 29, 2008

Hanapin Ang Puso

Isang buhay na buhay na debosyon sa ating bansa ang pamimintuho sa Banal na Puso ni Jesus. Tila kulang ang mga altar - mapa-simbahan, opisina, o tahanan - kung wala ang imahen ng Panginoon na nakalahad ang puso. Sa buhay ng isang parokya, hindi nawawaglit ang pagdagsa ng mga tao sa Misa tuwing Unang Biyernes ng buwan.

Sa imahen ng puso ng Panginoon, matutuklasan natin ang isang kakaibang pag-ibig. Isang pag-ibig na kay limit na binalewala - sinasagisag ng pusong pinalilibutan ng tinik, sugatan, at nagdurugo - subalit patuloy pa ring nagniningas sa pagmamahal. Ang ganitong uri ng pagmamahal ang itinuturo sa atin ng Mahal na Puso.

Ngunit hindi dito nagtatapos ang pamimintuho sa Kanya. Sapagkat kung nanaisin nating matulad sa kung paano nagmamahal ang Diyos, nararapat lamang na hanapin natin ang niloob Niya.

Marahil nakatanggap na kayo ng mga e-mail tungkol sa kung ano ba talaga ang hinihiling natin sa tuwing tayo'y nagdarasal. Magandang kinabukasan, maayos na buhay, maraming pera, matatag na ekonomiya, atbp. Lahat ito'y pawang magagandang kahilingan na kailangang-kailangan natin. Ngunit, sang-ayon sa e-mail hindi dapat ang mga bagay na ito ang dapat nating unahin sa ating panalangin.

Ang pangunahin nating dapat ipagdasal ay matuklasan natin ang kaharian ng Diyos. Natural na kung matutuklasan natin ito, mahahanap din natin ang kalooban Niya dahil ito lamang ang nananaig sa Kanyang kaharian. At kung ito'y ating hahanapin, ang ibang bagay na ating inaasam-asam ay mapapasaatin.

Sa susunod na haharap tayo sa imahen ng Banal na Puso ni Jesus, hilingin natin sa Kanya ang grasyang mahanap natin ang nilalaman ng Kanyang puso. Wala na sigurong magandang ugnayan na maaaring mamamagitan sa Diyos at sa Kanyang mga anak kundi ang maging magkapalagayan sila ng loob, maging magkapuso.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP