Kilala ang Pinoy sa pagiging maka-ina. Sa pag-aray pa lang natin , "Inay" na ang namumutawi sa ating mga bibig. Hindi malabong bunsod ito ng ating kultura kung saan ang ina ay dapat na nasa bahay para mag-alaga sa kanyang mga anak at mangasiwa sa pagpapatakbo ng tahanan. At kahit sa ating pagiging relihiyoso, ang pagkamalapit natin sa Mahal na Ina ay marubdob.
Hindi ganito ang relasyon ng nakakarami sa kanilang mga ama. Ito kaya'y dahil laging wala sa bahay ang mga ama? Sang-ayon na rin sa kultura't tradisyon natin, ang lalaki ang naghahanap-buhay.
Isa sa mga unang itinuturo sa ating pananampalataya ay ang katotohanang ang Diyos ay isang Ama. Hindi tulad sa mga Hudyo na takot na mabanggit man lang ang pangalan ng Diyos, ipinakilala sa atin ni Jesus na ang Maykapal ay ating Ama. Ama dahil kagaya ng ating mga ordinaryong tatay Siya ang pinagmumulan ng buhay. Kung tutuusin, ang kakayahan ng mga ama para bumuhay ng kanyang pamilya ay nagmumula sa Diyos. Kung gayon, nararapat lamang na ang bawat ama ay magsikap na maging larawan ng Diyos. Maraming mga ama ang nagsikap na maging kalarawan ng Diyos. Nandyan si Abraham, si Moises, si David, si Jose.
Subalit nakakalungkot masaksihan na may mga amang nagtataksil sa kanilang mga asawa, hindi nagsusustento sa kanilang mga anak, hindi nagiging mabuting ehemplo sa iba. Bagama't maaaring magpuyos tayo sa galit sa mga kasamaang ginagawa nila, hindi ito sapat na dahilan para huwag tayong mag-alay ng dasal sa kanilang ikapagbabalik-loob.
Ngayong Araw ng mga Ama, muli nawang madiskubre ng ating mga tatay ang halaga ng kanilang bokasyon sa mundo. Muli nawa nilang makita ang kagandahan na maging katuwang ng Diyos sa pangangalaga sa Kanyang mga anak. Ito rin nawa ay maging pagkakataon para higit pa nating makilala ang mga naimbag nila sa kung sino tayo sa ngayon.
Friday, June 13, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment