Bahagi na ng pagsisimula ng pasukan sa bawat paaralan, kolehiyo, at unibersidad ang pagtanggap sa mga bagong mag-aaral. Kilala sa tawag na Freshmen Orientation o Induction, may iba't ibang pakulo kung paano ito isinasagawa subalit iisa lang ang layunin nito: ang mabigyan ng pagkakataon ang mga bagong estudyante na lalo pang makilala ang kanilang magiging pangalawang tahanan sa loob ng apat (o higit pang) taon.
Binyag ang tawag dito ng isang kilalang kolehiyo sa ating bansa. At naaangkop ngang tawagin itong isang uri ng binyag. Kung paanong ang binyag natin sa Simbahan ay pasimula ng ating pagiging Kristiyano at nagbibigay-daan upang matanggap natin balang-araw ang iba pang sakramento, ang 'pagbibinyag' sa mga bagong mag-aaral ay nagbubukas sa kanila ng pinto para lalo pang hasain ang kanilang kaalaman sang-ayon sa paniniwala't kultura ng paaralan.
Mahalagang maging makabuluhan ang binyag na ito para sa ating mga kabataan at hindi isang okasyon para isipin ng mga namamahala sa mga institusyong edukasyunal kung gaano kalaki ang kanilang kikitain sa dami ng mga mag-aaral.
Dalangin naming maging mainit ang pagtanggap ng mga paaralan, kolehiyo, at unibersidad sa mga bagong estudyante. Makilala nawa nila sa bawat isang mag-aaral ang imahen ni Kristong nangangailangan ng inspirasyon at gabay sa pagtuklas ng katotohanan at karunungan.
Friday, June 20, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment