Powered by Blogger.

Wednesday, June 25, 2008

Nasaan ka Irog?

Nasaan ka irog at natitiis mong ako'y mangulila
At hanap-hanapin ikaw sa alaala......
Nasaan ang sabi mong ako'y iyong ligaya
Ngayong nalulungkot, ngayong nalulungkot
Ay di ka makita.


Bagama't hindi iniirog ng maraming Pinoy ang Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ang awiting ito ay akmang-akma sa panahong kailangang-kailangan ng bansa ang kanyang lider matapos ang pananalasa ng bagyong Frank na nagdulot ng baha sa maraming bahagi ng Pilipinas at pagtaob ng isang barko sa may Sibuyan Island sa Romblon. Ang barko ay pag-aari ng Sulpicio Lines, bantog sa dami ng mga buhay na nasawi dahil sa mga barkong lumulubog.

Paano naatim ng Pangulo na ipagpatuloy ang kanyang pagbisita sa Amerika samantalang maraming Pilipino ang dumaranas ng paghihirap dulot ng bagyo? Sang-ayon sa mga tagapagtanggol ni Gloria, isa daw "international embarassment" kung ikakansela pa ng Pangulo ang kanyang state visit. Sino ba ang nagluklok sa puwesto kay Gloria? Sino ba ang dapat niyang pangalagaan? Ang international community ba?

Nang may pagsabog na naganap sa London tatlong taon na ang nakakalipas, pansamantalang iniwan ni Tony Blair, ang UK Prime Minister noong panahong iyon, ang G8 Summit sa Scotland para personal na pangasiwaan ang mga pagsasaayos sa gulo at iba pang masamang dulot ng pambobomba. Ito'y lubos na naunawaan ng mga pangulo ng iba't ibang bansang miyembro ng G8. Gaano pa kaya ang isang matinding trahedya gaya ng bagyo (na hindi na siguradong bago sa ating bansa)?

Kung wala namang kuwenta ang mga dahilang ibibigay ng mga kaalyado ng Pangulo, mabuti pang tumahimik na lang sila.

Mahalaga ang ugnayan ng bansa sa makapangyarihang Amerika subalit mas mahalaga at dapat paka-ingatan ang ugnayan ng Pangulo sa kanyang mga nasasakupan lalo na ngayong ito'y sugatan at nilalamat.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP