Isang kinagigiliwang telenovela ngayon sa ABS-CBN 2 ang Dyosa. Sikat, sang-ayon sa istasyong ito ang palabas sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Ito ay isang istorya ng isang dalagang sinasabing nakatakdang iligtas ang kanyang kaharian, isang kahariang pawang lahat ng nakatira dito'y mga diyos at siya, bilang apo ng punong Diyos (Amang Suga)ang ipinangakong Takda ayon na rin sa propesiya.
Subalit sa inggit ng isang kamag-anak at nilahukan pa ng galit ng mga kalaban, napapunta sa mundo ng mga mortal ang sanggol pa lang na takda at doo'y nanirahang kagaya nating mga tao. Ngunit pati sa ating daigdig ay nasundan siya ng mga kalaban. Sa kabila ng mga payo't pakiusap ng kanyang mga kaibigang taga-Kabanwa, atubili siyang tanggapin ang kanyang pagiging takda na nagdulot ng kung anu-anong di magandang pangyayari sa kanyang mga mahal sa buhay, kaibigan, at iba pang tao. Nakapagpalala pa dito ang pagpapairal ng kanyang puso kaysa pag-iisip.
Noong Pasko, inalala natin ang pagsilang ng ating Diyos, ang nag-iisa at tunay na takdang magliligtas sa mundo. Isang Diyos na hindi nag-atubiling maging tulad natin para iligtas tayo sa ating mga pagkakamali. Isang Diyos na hindi nahiyang makisalamuha sa mga makasalanan upang ipahayag sa kanila ang Kanyang awa at pagpapatawad. Isang Diyos na hindi ininda ang mga pasakit masiguro lamang na ang sangkatauhang itinakda ng Ama ay mapabilang sa Kanyang kaharian.
Mabuti na lamang at ganito ang ating Takda. Sa ating pagtahak sa Bagong Taon, patuloy natin Siyang purihi't pasalamat at sikaping huwag mag-atubiling ipaabot sa iba ang Kanyang pag-ibig.
Friday, December 19, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment