Sa taong ito binago ng mga tagapamahala ng Kapistahan ng Poong Jesus Nazareno ang ruta ng taunang prusisyon sa Quiapo tuwing ika-9 ng Enero. Imbis na sa mga makikitid na lansangan idadaan ang imahen ng Panginoon, ito'y masasaksihan sa mga mas malawak na kalsada ng Maynila.
Natutuwa kami sa pagbabagong ito dahil hindi lingid sa lahat ang palagiang aksidente at kamatayang nagaganap taun-taon kapag pista ng Quiapo. Nagagalak kami na naging sensitibo at responsable ang pamunuan ng Basilika ng Nazareno hinggil dito. Ang prusisyon na isa sanang selebrasyon ng buhay ay nagiging anunsiyo ng kapahamakan at kamatayan. Minsan na kaming nanawagan na gumawa ng mga hakbang ang mga kinauukulan upang maiwasan ang mga di-kanaisnais na pangyayari. Ang bagong ruta ay mainit naming tinatanggap bilang malaking hakbang para lalo pang mapaunlad ang matagal nang debosyon ng mga Katolikong Pilipino sa Poong Nazareno.
Subalit hindi lahat ay natutuwa. May ilang debotong sumama ang loob sa mga pagbabagong ito. Sang-ayon sa kanila, nakagisnan nang idaan ang prusisyon sa mga makikitid na daan. Bagamat gumagalang kami sa tradisyon, kung ito nama'y magdudulot ng di magandang mga pangyayari ito ay dapat baguhin. Kung di na ito mababago, maaari na itong ibasura.
Sinasabi rin ng ilang deboto na wala nang sakripisyo sa bagong ruta. Para sa kanila, higit na sakripisyo ang magagawa nila kung sa makikipot na daan gagawin ang prusisyon; sa makikipot na daan kung saan nagsisiksikan ang mga tao para lamang makahawak sa imahen ng Nazareno. Sa ganang amin, hindi nawawala ang intensyong makapagsakripisyo kung babaguhin ang ruta. Kung matatandaan natin, minsan nang winika ni Jesus Nazareno na mas gusto Niya ang awa't pagmamahal kaysa mga sakripisyo. Awa't pagmamahal na sa palagay namin ay nasa isip at puso ng pamunuan ng simbahan ng Quiapo. Awa't pagmamahal na nagmamalasakit sa buhay ng mga deboto at, sa kanilang mga pamilya. Awa't pagmamahal na siyang nagtutulak para mangibang bansa ang ating mga kababayan masiguro lamang na laging may pagkain sa hapag-kainan at pangmatrikula ang kanilang mga anak.
Hindi rin gusto ng Diyos ang kapahamakan ng Kanyang mga nilalang. Ang ating relihiyon ay di gaya ng mga pagano kung saan pumapatay sila ng mga tao para ialay sa kanilang mga diyus-diyosan.
Sa pagdiriwang ng pista ng Nazareno, dalangin naming lalo pang yumabong ang debosyong ito. Makita nawa ng bawat deboto sa Kristong nagpapasan ng krus ang bagong ruta para makaahon sa kahirapan, sa kadiliman, at sa kakitiran ng pag-iisip at pag-ibig.
Tuesday, January 06, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment