Powered by Blogger.

Wednesday, January 14, 2009

Pista ng Sanggol

Ang debosyon sa Banal na Sanggol o Santo Niño ay kasintanda na ng Kristiyanismo sa ating bansa. Maaalalang naghandog ng isang imahen ng Banal na Sanggol si Ferdinand Magellan sa asawa ng Haring Humabon bilang alaala ng kanilang pag-anib sa Simbahang Katolika.

Tradisyunal nang imahen ng Banal na Sanggol ang pagiging isang hari, isang maharlika. Subalit sa paglipas ng panahon, samu't saring representasyon ang lumitaw salamat sa mga malikhaing deboto. Kapag pista ng Santo Niño, makikita natin ang iba't ibang anyo Niya - mayroong bumbero, duktor, palaboy na bata, at marami pang iba.

Marahil sa ibang Katoliko ito ay di-kanaisnais pero sa ganang amin ito ay may magandang leksyong nais ipabatid sa deboto man o sa isang nagmamasid lamang.

Ang tunay na debosyon kay Kristong Sanggol ay pagtulad sa mga katangian ng isang bata: mapagkumbaba, masunurin, mapagtiwala, mapagmahal. Mga katangiang ipinakita ni Jesus noong bata pa Siya. At dahil namulat na Siya sa ganitong mga katangian, naging bahagi na ito ng Kanyang pagkatao hanggang sa ihain Niya ang Kanyang sarili sa krus. Sang-ayon nga sa kasabihan ng ating matatanda, "Kung saan nakahilig ang puno, doon ito mabubuwal."

Magiging makulay lamang ang pista Niya kung ang mga imaheng isasama sa prusisyon ay ating maisasabuhay - mga duktor na walang pinipiling mga pasyente, mga bumberong laging handang tumulong para masawata ang sunog at ang pinsalang maaaring idulot nito, mga pulis na mananatiling tapat sa pagpapatupad ng batas, mga mamamayang walang hangad kundi ang kaluwalhatian ng Diyos at ang kapayapaan sa lahat.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP