Ang nagaganap na pagbagsak ng ekonomiya sa buong mundo ay talaga namang nakakalungkot masaksihan. Para sa marami nang namumuhay sa kahirapan, ito'y nagbabadya ng higit pang paghihigpit ng sinturon. Ang pagsasara ng malalaking kumpanya tulad ng Intel sa ilang bahagi ng mundo gaya ng Pilipinas ay nagpapahiwatig na madaragdagang muli ang dami ng mga taong walang hanap-buhay. Para sa nakararami ang 'economic meltdown' ay isang sumpa, isang kawalan, isang di magandang panahon.
Para sa amin, ang mga nagaganap ngayon sa mundo ay isang kalabit ng Diyos. Kalabit sa mga bansang namuhay nang mariwasa noon subalit tumalikod sa Panginoong nagbuhos sa kanila ng mga pagpapala. Ito rin ay kalabit ng Maykapal sa mga bansang kasalukuyan nang naghihirap at lalo pang daranas ng kahirapan.
Mayaman man o mahirap ang bansa, iisa lang ang mensahe ng kumakalabit: magbalik-loob tayo sa Kanya.
Panahon na muli natin Siyang kilalanin bilang tunay na bukal ng lahat ng pagpapala, ang totoong kaibigang mapagkakatiwalaan at maaasahan. Sa ating bansa, dumarami na muli ang nagsisimba; isang indikasyon na marunong tayong magbasa sa mga aral at tanda ng panahon.
Sa ika-25 ng buwang ito, muli na namang tayong dadako sa panahon ng Kuwaresma. Tuwing Kuwaresma, gumagawa tayo ng iba't ibang sakripisyo. Sa ating pagsasakripisyo, may bahagi sa ating buhay na ating pansamantalang isinasantabi gaya ng pagkain o panonood ng TV. Sa ganitong paraan nabibigyang-pansin natin ang ating kaluluwa at lalo pang nakikilala ang Diyos.
Ang paghihigpit ng ating mga sinturon sa ngayon ay maging pagkakataon nawa upang lalo tayong mapalapit sa Kanya. Magsilbi din itong oras para lalo pa tayong maging malapit sa ating mga mahal sa buhay. May ilan sa atin na sa sobrang subsob sa trabaho ay napabayaan na ang buhay-espritwal at ang mga tao sa kanilang paligid.
Samantalahin din natin ang pagkakataong ito para diskubrehin kung ano pa ang maaari nating gawin para sa ating sarili, pamilya, o komunidad. Posibleng mayroon tayong kakayahang nais nating hubugin at gamitin. Posibleng may bagong trabahong naghahanap ng iyong mga bagong diskubreng kakayahan.
Maging panahon din nawa ito para makiramay tayo sa mga kapatid nating walang trabaho. Ipagdasal natin sila at, kung tayo'y mas nakaaangat sa buhay, ipantulong sa kanila ang perang ating maiipon sa ating pag-aayuno. Ang tunay na pag-aayuno ay nagdudulot ng ginhawa, maliit man ito o malaki, sa mga kapus-palad.
Huwag nating ipagwalang bahala ang kalabit ng Diyos. Sinasabing ang Kanyang kalabit ay masakit, subalit ito rin ay nakagagaling.
Thursday, February 19, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment