Bukod sa kahirapan, ang unti-unting pagkamatay ng ating kapaligiran ay tila isang multong laging nagpaparamdam sa atin. Huwag na tayong magtaka kung bakit laging nagbabaha sa iba't ibang panig ng bansa at mundo. Huwag na tayong bago nang bago kung masaksihan natin ang pagdumi ng ating tubig at hangin. Naging pabaya tayo sa ating tungkulin bilang mga katiwala ng Diyos sa lahat ng Kanyang nilikha.
Ang ating pagwawaldas ng likas-yaman ang sanhi ng samu't saring pangyayaring kadalasa'y sinasabing "Acts of God", isang terminolohiyang madalas gawing dahilan sa anumang trahedyang nagaganap subalit puwede namang maiwasan.
Bukod sa likas-yaman, naging bulagsak din tayo sa ating oras, sa ating pera, sa anumang biyayang mayroon tayo. Ngayon, nagkakatotoo ang kasabihang, "Ubus-ubos biyaya, maghapong nakatunganga."
Sa ating pagwawaldas, hindi tayo naiiba sa Alibughang Anak na ginamit sa mga walang kakuwenta-kuwentang bagay ang pamana ng kanyang ama.
Sa pagpasok ng Kuwaresma, tinatawagan tayo ng Inang Simbahan na muling balikan ang ating nakaraan. Hindi ito isang madaling proseso lalo't kung panay mali at masama ang ating aalalahanin. Hingin natin sa Banal na Espiritu ang tamang wisyo para makilala ang ating mga pagmamalabis - sa ating sarili, sa ating kapwa, sa ating kapaligiran - at gamitin ang wisyong ito para itama ang ating mga pagkakamali.
Hindi naging huli para magsisi't makipagkasundo ang Alibughang Anak sa kanyang ama. Hindi pa rin huli ang lahat para tayo'y magbalik-loob sa ating Ama.
Thursday, February 26, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment