Powered by Blogger.

Thursday, March 05, 2009

Asal

Magtatapos na naman ang isang taong akademiko sa ating bansa. At sa mga nasa huling yugto na ng kanilang pag-aaral, ang pagtatapos ay nagiging isang masayang okasyon di lamang para sa kanila kundi para na rin sa kanilang mga magulang at iba pang mahal sa buhay.

Para sa mga magsisipagtatapos, ito'y isang hakbang ng tagumpay. Isang pagkakataon para ipagdiwang ang nakamit na antas matapos ang apat o limang taong pagsusunog ng kilay.

Subalit, bago lubusang magdiwang ang mga magtatapos mahalagang mag-ingat sila sa tuksong lumaki ang kanilang ulo (dahil sa mga kaalamang natutuhan sa kolehiyo) pero lumiit ang kanilang puso. Nakakatakot ang inaasal ng mga taong ganito. Tingnan na lang natin ang mga gawi ng ilang edukadong tao sa ating paligid at makikilala natin kung puro na lang sila ulo at wala ng puso.

Nitong mga huling araw nagsumite ng petisyon ang ilan nating kababayan para patalsikin sa puwesto si Ombudsman Merceditas Gutierrez dahil sa kawalan niya ng aksyon sa maraming katiwaliang nagaganap sa pamahalaan. Sa mata ng mga nagpetisyon at ng nakararami nating kababayan, hindi naging tapat si Gutierrez sa kanyang tungkulin bilang takbuhan ng madla kung sila'y may reklamong katiwalian. Kung si Gutierrez man ay may puso naging totoo sana siya sa kanyang mga pangakong aaksyunan ang mga idinulog na sa kanya gaya ng Fertilizer Scam, Euro Generals, at World Bank report. Kung may puso si Gutierrez magpaliwanag na lang siya kung bakit wala pang aksyon sa mga kasong gaya nito kaysa hamunin pa ang mga nagpetisyon na magpakita ng pruweba na para bang di siya matitinag sa kanyang puwesto dahil malapit siya sa mga Arroyo.

Ngayong Marso, ating alalahanin ang lahat ng mga magsisipagtapos sa kolehiyo. Nawa patuloy silang magpasalamat sa biyayang makapagtapos, patuloy nilang kilalanin ang mga taong naging daan para makaakyat sila sa entablado, patuloy silang mag-asal 'may pinag-aralan', patuloy silang magkaroon ng puso para sa kapwa lalo na sa mga nangangailangan.

Para sa ating lahat na sa panahong ito ng Kuwaresma patuloy nating matuklasan kung gaano kaganda ang plano sa atin ng Diyos kung kaya't isinugo Niya ang Kanyang Anak sa mundo. Sa pagliligtas ni Jesus sa atin, tayo'y magsikap na laging mag-asal Kristiyano.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP