Powered by Blogger.

Thursday, April 23, 2009

Aral ng Kalikasan

Isa na siguro sa mga paraan na 'nakikipag-usap' sa atin ang Diyos ay sa pamamagitan ng kalikasan. Sa Banal na Kasulatan, matutunghayan ang naging papel ng kalikasan sa pagkilos ng Diyos sa mundo. Ang halamanan ng Eden gayon din ang halamanan ng Hetsemane ay ilan lang sa mga halimbawa. Si Jesus ay naging isang karpintero, isang gumagamit ng kahoy (bunga ng kalikasan) para gawing kaaya-ayang kasangkapan ng tao.

Dating mariwasa ang ating bansa sa likas-yaman, subalit hindi na sa ngayon dahil sa pagiging sakim ng kakaunti makapangyayari. Buhay na buhay pa marahil sa ating alaala ang nangyari sa Ormoc, Leyte noong 1991 nang bahain ang lugar na iyon at kumitil sa buhay ng maraming residente. Isang masakit na kalabit ng langit ang pangyayaring iyon subalit nagtengang-kawali lamang ang mga kinauukulan. Tuloy pa rin ang iligal na pagsibak ng mga puno sa mga kabundukan, mga punong sisipsip sana sa tubig ulan. Tuloy pa rin ang pagbaha at iba pang trahedya sa iba't ibang panig ng bansa.

Sa susunod na mapagmamasdan natin ang anumang natitira nating likas-yaman, sa susunod na mapagmasdan natin ang kagandahan nito, sa susunod na mapagmamasdan natin ang mga bunga o bulaklak nito, alalahanin nawa natin ang Muling Pagkabuhay ni Kristo. Sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli, tinalo na Niya ang kasamaan at kamatayan at binigyang-pag-asa ang ating buhay dito sa lupa.

Kung pag-asa ang idudulot sa atin ng Kanyang Muling Pagkabuhay, mainam na ibahagi din natin ito sa iba, lalung-lalo na sa ating mga anak, sa lahat ng kabataan. Kung di natin pangangalagaan ang anumang natitirang likas-yaman, ano pa ang ating maiiwan para kanilang mapakinabangan? Kung tayo'y magwawalang-bahala, ano pa ang ating maipapamanang paraan upang lalo pa nilang makilala, mahalin, at paglingkuran ang Diyos na bukal ng buhay?

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP