Powered by Blogger.

Friday, May 01, 2009

Dangal ng Trabaho

Masasabing ang trabaho'y isa sa naging parusa sa ating mga unang magulang nang kainin nila ang ipinagbabawal na bunga sa Halamanan ng Eden. Sa kanilang pagsuway sa utos ng Panginoon, kinailangan na nilang pagpaguran ang dapat nilang kainin at ang iba pang nais nilang makamit sa buhay. Ito'y minana na natin at mamanahin ng mga susunod pang henerasyon.

Subalit ang dati'y parusa ay naging bendisyon din. Kung walang trabaho ang mga magulang, paanong makakapasok sa eskwelahan o kolehiyo ang mga anak? Paano mapapagamot ang may-sakit na supling? Paano sila madadamitan o makakatikim ng masarap na putahe? (Bagamat may mga mayayamang bansang tumutustos sa mga pangangailangan ng mga naghihirap nilang mamamayan, importante pa rin ang magkaroon ng trabaho at huwag maging pabigat sa iba.)

Bukod sa mga benepisyong makakamit sa trabaho, masasabing bendisyon din ito sapagkat sa pamamagitan nito nakikibahagi tayo sa gawain ng Diyos. Ang mga manggagamot halimbawa'y nakikiisa sa pagpapagaling at pagsalba ng Panginoon sa buhay ng Kanyang mga nilalang. Ang mga abugado, sa pagkampi ng Diyos sa mga nasa katwiran. Ang mga guro, sa pagbibigay-liwanag sa kaisipan at katauhan ng mga mag-aaral. Ang mga tsuper, sa paghatid sa tamang hantungan ng mga pasahero. Ang mga kusinero, sa pagpapalusog ng katawan ng mga tao.

At dahil ito'y isang bendisyon, pinagkalooban ito ng dangal. Hindi kataka-taka kung bakit si Jesus mismo, bago nangaral, ay naging isang karpintero gaya ni Jose, ang amang kumupkop sa Kanya.

Sa hirap ng buhay ngayon, kailangang-kailangang may trabaho ang isang indibidwal. Maaaring isa o dalawa, depende sa tindi ng pangangailangan. Subalit mahalagang makilala pa rin natin ang dangal ng anumang trabahong ating ginagampanan o nais suungin. Nakakalungkot isipin na marami sa ati'y natutuksong ipagpalit ang prinsipyo para sa pera. May salapi nga tayo pero kung galing naman sa masama, kung ang pagkamal nito'y pagyurak sa kapwa, ano ang mapapala natin?

Sa pagdiriwang ng Araw ng Mga Manggagawa, sikapin nating kilalanin ang dangal ng trabaho at ang dangal natin bilang mga nilikha't iniligtas ng Diyos. Kagaya ni San Joseng Manggagawa magtrabaho tayo nang marangal. Hindi hangal.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP