Bahagi na ng buhay ng mga kasapi ng Apostolado ng Panalangin ang “Pag-aalay sa Umaga”; isang panalangin ng pag-aalay ng sarili sa Mahal na Puso ni Jesus sa pamamagitan ng Kalinislinisang Puso ni Maria. Inaalay ng sinumang magdarasal nito ang anumang gawain nila sa magdamag para sa mga intensyon ng Puso ng Panginoon: kaligtasan ng mga kaluluwa, pagbabayad-puri sa mga kasalanan, at pagkakaisa ng lahat ng mga Kristiyano.
Ang kaligtasan ay hindi isang karanasang bahagi na lamang ng kasaysayan. Tayo, bilang mga tagasunod ni Jesus, ay kailangang makibaka sa kasamaan at sa kasalanan 24 oras, 7 araw. Matatapos lamang ang prosesong ito sa oras na magpantay na ang ating mga paa.
Ang pagliligtas sa mga kaluluwa ay tungkulin ni Kristong Tagapagligtas. Pero di nagtatapos sa Kanya ang tungkuling ito. Ito’y ibinabahagi Niya sa atin – sa mga paring itinalagang mangalaga sa Sambayanan ng Diyos at sa mga laykong tinawag na magsilbi din sa Simbahan.
Sa paglalakbay ng paring si Juan Maria Vianney, nagtanong siya sa isang pastol kung saan ang patungong bayan ng Ars, ang kanyang magiging parokya. Matapos ang kanilang pag-uusap sinabi niya sa pastol, “Binigay mo sa akin ang direksyon papuntang Ars, ibibigay ko naman sa iyo ang direksyon papuntang langit.”
Tunay ngang dinirehe ni Juan ang mga taga-Ars sa wastong pamumuhay kung kaya’t ang dating tutulug-tulog na parokya ay naging isang masigla at maalab na pamayanang Kristiyano. Ginamit ng Diyos si Juan para iligtas ang maraming kaluluwa sa nasabing bayan.
Ganito rin nawa ang maging hangarin natin sa buhay. Matapos nating makilala at tanggapin si Kristo bilang ating Tagapagligtas, mahalaga at napapanahong lumabas din tayo sa ating mga tahana’t kumbento para makisalamuha’t hikayatin ang iba sa landas na magdadala sa kaligtasan, sa landas papuntang langit.
Tuesday, July 14, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment