Sa kabila ng mabongga at magarbong handaan sa pagdiriwang ng ika-80 kaarawan ni dating Unang Ginang Imelda Marcos, sinabi ni Imelda na ang mga gastusin sa handaang ito ay sagot ng kanyang mga kaibigan.
Sino ang niloloko niya?
Ilang linggo bago ganapin ang kanyang kaarawan, sinabi niyang walang-wala na siya at tanging sa pensyon lang ng kanyang yumaong asawa siya umaasa.
Sino ang niloloko niya?
Nakakalungkot na matapos silang palayasin sa MalacaƱan noong 1986, tila limot na ng nakararami nating kababayan kung anong mga kasamaan ang ginawa ng mga Marcos noong panahon ng kanilang panunungkulan.
Kung mga kaibigan nga nila ang gumastos sa kaarawan ni Imelda, sila’y mga bulag sa katotohanang naging abusado ang mga Marcos sa ipinagkatiwala sa kanilang responsibilidad ng taumbayan. Na niyurakan nila ang mga karapatang pantao ng maraming Pilipino. Na nagkamal sila ng yaman sa di tamang paraan. Na hindi sila naging tapat sa bayan.
Bulag din sa mga katotohanang ito ang bagong henerasyon kung kaya’t pati sila ay tumitingala sa mga Marcos bilang mga idolo ng karangyaan at kapangyarihan.
Panahon na para muling imulat sa lahat ang tunay na kulay ng mga Marcos. Na sa kabila ng mga luha at panambitan ni Imelda ala Mater Dolorosa, ay ang kawalan ng pagsisisi sa mga mali nilang nagawa at pamumuhay na parang walang nangyaring masama sa bansa noong sila’y nasa puwesto.
Noong panahon ni Cory Aquino, hindi niya pinayagang maiuwi sa bansa ang labi ni Ferdinand Marcos. Hindi rin niya pinayagang makauwi ang mga naulila ng dating diktador. Subalit nang bumaba na si Cory sa panunungkulan, unti-unting bumalik ang mga Marcos – pati na ang bangkay ng dating pangulo. Ang pagpapabalik sa kanila’y indikasyon ng paglambot ng gobyerno sa mga Marcos. Paglambot na humawang parang virus sa lipunan. Hanggang sa halos malimutan na ng mga mamamayan ang basang papel ng mga Marcos.
Huwag natin itong pahintulutan. Sa bansang lagi na lang binabagabag ng maraming isyu, mahalagang manatili tayong lahat na gising sa katotohanan. Tanging diyan lang tayo magiging malaya.
Tuesday, July 07, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment