Kasabay ng pagdiriwang ng Taon ng mga Pari sa buong mundo, inilunsad ng mga obispo sa ating bansa ang Taon ng Dalawang Puso (nina Jesus at Maria) para sa pagbuo ng kapayapaan at pagbabago ng lipunan.
Ang debosyon sa Mahal na Puso ni Jesus at sa Kalinislinisang Puso ni Maria ay hindi na iba sa ating mga Pinoy. Hindi kumpleto ang ating mga dambana – sa simbahan man o tahanan – nang walang imahen ng Dalawang Puso. Sa Puso ni Jesus namamalas ang katotohanang ang Diyos ay may malawak na pag-ibig sa atin sa kabila ng ating pagwawalang-bahala dito. Sa Puso ng Ina ng Diyos makikita kung paano natin dapat iayon ang ating mga sariling puso sa kalooban ng Panginoon.
Walang hangad na masama ang Diyos sa Kanyang bayan – sa kabila ng mga kaganapang madalas nating bansagang ‘acts of God’. Ang kapayapaan ay kaloob Niya sa “mga taong kinalulugdan Niya”. Ang maganda at naaangkop na pagbabago ng lipunan ay naaayon sa Kanyang plano.
Subalit hindi ito dapat iasa na magaganap na lamang ‘sa tamang oras’. Bilang Kanyang mga katiwala, kailangan nating makisangkot. At kung dapat tayong makialam, dapat na iayon natin ang ating mga puso sa mga hangarin ng Ama. Kung tayo’y mananatiling nakasalungat sa Kanya, huwag na nating asahang mamumunga ng maganda ang mga pagsusumikap natin para baguhin ang lipunan at ipalaganap ang kapayapaan. Kung di tayo nakaugnay kay Kristo, gaya ng sanga sa puno, hindi tayo magtatagumpay.
Pari man tayo o hindi, may malaki tayong papel para maghari ang kapayapaan sa atin at para mailagay sa ayos ang magulo nating lipunan. Sa bansang lubhang nagmamahal kay Maria, ang pagtulad natin sa kanya ay mahalagang-mahalaga. Hilingin natin ang kanyang panalangin para gaya niya tayo rin ay makiisa sa kilos ng Diyos.
Kung gagawin natin ito, magkakatoo ang minsan nang sinabi ng Mahal na Birhen sa Fatima: “Balang-araw magtatagumpay ang aking Kalinislinisang Puso.”. Tagumpay na kung tutuusin ay tagumpay ng Puso ni Jesus.
Wednesday, July 01, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment