Powered by Blogger.

Thursday, June 25, 2009

Taon ng mga Pari

Sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Mahal na Puso ni Jesus noong ika-19 ng Hunyo 2009, inilunsad ni Pope Benedict XVI ang Taon ng mga Pari. Nilalayon ng pagdiriwang na ito na himukin ang mga pari sa kanilang patuloy na pagsisikap na mamuhay sa kaganapang espiritwal kung saan nakasalalay ang pagiging epektibo ng kanilang ministeryo. Bukod dito, nais rin ng Papa na bigyang-diin ang kahalagahan ng tungkulin at misyon ng mga pari sa Simbahan at sa kasalukuyang lipunan.

Sa taon ding ito inaalala ang ika-150 kamatayan ni San Juan Maria Vianney, ang pintakasi ng mga kura-paroko, na naglaan ng kanyang buong buhay sa pangangalaga sa kanyang kawan sa pamamagitan ng pananalangin, pagsasakripisyo, at pamumuhay sa kabanalan. Sa paglulunsad ng Taon ng mga Pari, ipinahayag ng Santo Papa si San Juan bilang Pandaigdigang Patron ng mga pari.

Lubhang angkop at napapanahon na mag-ukol ang Simbahan ng isang taon para kilalanin, ipagdasal, at tulungan ang ating mga kaparian upang lalo pa nilang mapagsilbihan ang Bayan ng Diyos gaya ni San Juan at, lalo’t higit kagaya ni Kristong Mabuting Pastol. Hindi kataka-takang ang tema sa Taon ng mga Pari ay “Faithfulness of Christ, faithfulness of priests”.

Minsan nang sinabi ni Beata Teresa ng Calcutta na hindi ang pagiging matagumpay ang importante kundi ang pagiging tapat natin. Ang anumang posibleng magawa ng ating mga pari – mangaral nang mahusay, makahikayat ng mas higit pang mga kaluluwa, makibaka para sa katarungan at kapayapaan, makapagpagawa ng mas malaki’t magandang mga gusali, atbp- ay walang kuwenta kung hindi tapat ang isang pari sa kanyang tungkulin. Sa isang banda, ang mga bagay na ito’y dapat na bunsod ng katapatan ng isang pari.

Ang pari ay dapat laging nakaugnay kay Kristo gaya ng sanga sa puno. At kung ang ugnayang ito’y lalong pasisisglahin, maaasahan nating ang pari ay di na naiiba sa kung paano umasal, mangasiwa, at magmahal si Jesus.

Makiisa tayo sa pagdiriwang na ito. Kung kailangan natin ang pari, kailangan din nila tayo at lalo’t higit ang Panginoon. Ipadama natin sa kanila kung gaano katapat ang Diyos sa atin.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP