Powered by Blogger.

Tuesday, June 09, 2009

Nasaan ang Puso?

Sinasabing kung nasaan ang iyong kayamanan doon mo rin matatagpuan ang iyong puso. Ang anumang pinahahalagahan natin ay bunsod ng niloloob ng ating puso. Kung mahalaga sa mga magulang ang kabutihan ng kanilang mga anak, alam nating magsisikap silang ibigay ang magandang bukas sa kanilang mga supling. Sa kaligtaran, kung walang kwenta sa mga magulang ang mga kanilang mga anak, alam nating hindi sila kikilos nang tama para maitaguyod ang kanilang pamilya.

Muli na naman nating ipagdiriwang ang Kapistahan ng Mahal na Puso ni Jesus ngayong ika-19 ng Hunyo. Sa mga nagdaang okasyon sa ating Simbahan, natunghayan natin ang pagpapakasakit, pagkamatay, muling pagkabuhay, at pag-akyat sa langit ng Panginoon. Sa mga eksenang ito, masasabi nating tayong mga tao ang kayamanan ni Jesus. Saan ka ba nakakita ng Diyos na magkakatawang-tao’t magpapakamatay sa krus mailigtas lamang ang Kanyang bayan? Ang puso ni Jesus ay laging nakatutok sa atin sa kabila ng anumang pagkakasala natin.

Mayroon tayong pitak sa puso ng ating Tagapagligtas.

Nakakalungkot isiping di ganito ang ikinikilos ng ating mga kongresista na pinili pang pagtuunan ng pansin ang pagbabago sa Saligang Batas kaysa pagpasa ng batas na magpapalawig pa sa termino ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Maraming magsasakang makikinabang kung pahahabain pa ang buhay ng CARP. Hindi gaya ng di napapanahong pagbabago ng Saligang Batas na sadyang sila-silang mga mambabatas lang at ang kanilang patron sa MalacaƱang ang makikinabang.

Nasaan na ang puso nila? Tiyak na hindi sa bayan kundi sa kanilang mga sarili!

Sa ating pamimintuho sa Mahal na Puso ni Jesus, idalangin nating hipuin Niya ang puso ng ating mga lider upang matulad sila sa Kanya na handang ilaan ang sarili huwag lang mapahamak ni isang kasapi ng Kanyang kawan. Antigin din nawa Niya nawa ang puso nating lahat upang manatili itong naghahangad ng mga kayamanang di mabubulok o mananakaw: ang kadakilaan ng Diyos at ang kaligtasan ng kapwa.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP