Powered by Blogger.

Friday, June 05, 2009

Nagkakaisang Pamayanan

May apat na palatandaan ang ating Banal na Simbahan: nagkakaisa, banal, Katoliko (laganap sa buong mundo), at Apostoliko (naka-ugnay sa turo ng mga apostoles ni Kristo). Pansinin natin ang unang palatandaan. Sinasabing iisa lamang ang ating Simbahan dahil mayroon itong opisyal na pananaw hinggil sa mga isyung bumabalot sa ating lipunan ngayon gaya ng paggalang sa buhay. Iisa ang interpretasyon ng ating Simbahan sa Banal na Kasulatan. Kung saang panig ka man ng mundo magpunta at kung ano mang wika ang ginagamit dito, iisa pa rin ang Misa bilang pinakamataas na paraan ng ating pagdarasal. Higit sa lahat, iisa ang Diyos na ating sinasamba't pinaglilingkuran.

Maraming benepisyo ang pagkakaisa. Kung iisa ang ating pananampalataya, mananatiling buo ang Simbahan. Magkanya-kanya tayo halimbawa ng pag-unawa sa mga nilalaman ng Bibliya at hindi tayo malalayo sa sinapit ng mga Protestanteng naniwala sa malayang interepretasyon nito.

Kung nagkakaisa tayo sa pananaw, nagiging matibay ang kredibilidad natin bilang isang komunidad. Di man ito popular, ang mahalaga ay mayroon tayong paninindigan na nakasalig sa kalooban ng Diyos.

Kung nagkakasama-sama tayo sa pagsamaba't pagtawag sa Diyos sa panalangin, nakikilala natin ang isa't isa bilang mga kapatid maging sino man sila. Importanteng matutuhan nating tanggapin ang bawat isa at makilala ang ating pagiging kakaiba para lalo pa nating maitaguyod ang Simbahan.

Ang nagkakaisang Simbahan ay hindi lang dapat nakikita tuwing may sakuna o anumang malawakang gawain sa pamayanan. Ito ay dapat laging nasa sistema natin. Isang palatandaang dapat makita ng iba kung nais natin silang hikayating sumunod kay Kristo.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP