Bago harapin ang napipinto Niyang pagpapakasakit at kamatayan, ipinagdasal ni Jesus sa Kanyang Ama na pag-isahin ang lahat ng tagasunod Niya – di lamang ang mga napapabilang sa Kanyang Simbahan kundi ang iba pang di kaanib nito subalit kumikilala sa Kanya bilang Panginoon at Diyos.
Ang mga tagasunod na tinutukoy ni Kristo ay walang iba kundi tayong mga Kristiyano (isang salitang inimbento ng mga Romano bilang pantawag sa mga sumusunod kay Kristo).
Noong una, tanging mga kaanib lamang ng Simbahang Katolika ang tinaguriang Kristiyano. Sa ngayon itinuturing ding Kristiyano ang relihiyong Protestante gaya ng Church of England, Baptist, Methodist, atbp sa kabila ng pagtiwalag ng kani-kanilang tagapagtatag sa ating relihiyon. Nakakalungkot isiping mangyayari ito dahil sa di pagkakasundo sa pananampalataya at iba pang isyu.
Hindi naging maganda, noong una, ang pakikipag-ugnayan ng mga relihiyong ito sa isa’t isa. Subalit sa pagdaan ng mga taon nakilala nilang kahit may mga pagkakaiba sila, posible pa rin ang magkaisa para sa isang magandang adhikain. Isa na dito ang diyalogo ng Simbahang Katolika at Church of England. Nagbunga ito ng pagpapalimbag ng dokumentong kapwa nila isinulat tungkol sa mahalagang papel ni Maria sa kaligtasan ng mundo.
Marami pang mga dapat gawin para ganap na magkaisa ang lahat ng mga Kristiyano. Ito’y di lamang responsibilidad ng Santo Papa, kundi ng bawat isa sa atin. Maaaring di natin pag-usapan at pagtalunan ang ating mga pinaniniwalaan, pero puwedeng-puwede tayong maghawak-kamay sa pagpapabuti ng ating barangay, paaralan o kumpanya. Huwag nating pamarisan ang mga ibang Kristiyano na wala ng ginawa kundi tuligsain ang iba pang Kristiyano sa kanilang mga pangaral at seremonyas. Ito’y lalo lang nagpapalala sa sitwasyon at tunay na nagpapalalim sa sugat sa puso ng ating Panginoon.
Sa atin namang sariling Simbahan, maging daan din nawa tayo ng pagkakaisa. Walang magandang maidudulot kung magkakanya-kanya tayo. Gamitin natin ang ating yaman o kakayahan para makisangkot sa buhay-parokya. Huwag natin itong gamitin para ibukod ang ating mga sarili sa iba. At kung mayroon tayong ka-parokyang naliligaw ng landas, imbis na isumbong ito kaagad-agad sa kura-paroko o kaya’y gawan ng chismis sa iba, mas mainam na kausapin muna ito nang sarilinan sa pag-asang magbabalik-loob siya.
Sa pagkakaisa ng lahat ng mga tagasunod ni Kristo, may malaking maiaambag ang ating mga pari. Bukod sa pagtitipon niya sa buong sambayanan sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, nararapat ding tipunin niya sila sa paglaban sa kawalan ng katarungan at iba pang mga kasamaan sa lipunan. Higit sa lahat, kailangang makita ng iba na tugma sa kanyang pamumuhay ang anumang kanyang ipinapangaral sa pulpito.
Iisa ang Diyos na ating sinasampalatayanan. Ganito rin nawa ang masaksihan ng mga di Kristiyano sa ating pamumuhay at pakikipagkapwa-tao.
Thursday, July 30, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment