
Ito ang mga huling kataga ng yumaong dating Pangulong Corazon Aquino sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) noong 1991. Ito na rin marahil ang mga huli niyang kataga sa bayang kanyang pinangunahan sa paglaban sa mapang-aping diktadurya. Sa pagpapatalsik kay Marcos napanumbalik niya ang demokrasya, demokrasyang magpahanggang ngayon ay pinakikinabangan ng bawat Pilipino, demokrasyang patuloy na nanganganib sa mga ganid sa puwesto.
Sa kanyang pamamaalam sa mundong ito labindalawang araw bago alalahanin ang kamatayan ng kanyang dakilang asawang si Ninoy, magkahalong lungkot at pangamba ang idinudulot nito sa ating bansa. Lungkot dahil para tayong nawalan ng ina na magsisilbing liwanag sa ating madalas na madilim na bayan. Pangamba dahil namatay na ang isang kinikilalang lider na magbibigay-sigla sa ating patuloy na pagmamatyag para mapangalagaan ang ating Saligang-Batas at demokrasya.
Nakikidalamhati kami di lamang sa Pamilya Aquino kundi sa buong bansang naulila sa pagyao ni Cory. Bilang magkakapatid, sama-sama nating ipagpatuloy ang laban ng itinuturing nating Ina ng Bayan. Panatilihin nating buhay ang kanyang alaala sa pamamagitan ng wagas at makatotohanang paglilingkod sa kapwa, simpleng pamumuhay, at mapagkumbabang pakikipag-ugnayan sa Maykapal.
Paalam at maraming salamat po, Pangulong Cory. Dalangin namin ang ikapapayapa ng iyong kaluluwa sa buhay na walang hanggan.
No comments:
Post a Comment