Naging tampulan ng katatawanan ang pagsulat ng apelyido ng kasalukuyang pangulo ng bansa imbis na apelyido ng yumaong Cory Aquino sa mga balitang inilibas ng dalawang malaking pahayagan tungkol sa kamatayan at libing ng huli.
Isa lamang kaya itong pagkakamali? Kung magkagayon, posible pa itong maiwasan, subalit sa di inaasahang pangyayari ay nailathala para mabasa ng marami.
Hindi kaya isa lamang itong Freudian slip ng manunulat kung saan ang pinipigilang pagkamuhi kay Gng Arroyo ay nailabas sa kanilang mga ibinalita?
Patuloy pa rin nating nadarama ang Cory fever ilang araw matapos ilibing si Gng Aquino. May mga nagsasabing dapat siyang tanghaling isang pambansang bayani. Ang iba namang kampo’y nagmumungkahing gawin siyang isang santa. Muling nagising ang bayan sa kondisyon nito, kondisyong lalong lumala sa paglisan ni Cory. Sa kanyang pagpanaw, lalo pang nagkaroon ang taumbayan ng rason para ikumpara ang panunungkulan ng butihing pangulo sa kasalukuyang administrasyon.
Pagkakamali man o ‘tulak ng bibig, kabig ng dibdib’ ang mga nailathala, maging panahon nawa ito kay Gng Arroyo na magmunimuni. Tularan nawa niya si Alfred Nobel, isang kilalang imbentor ng dinamita. Sa katanyagan ni Nobel, may naglathala ng kanyang kamatayan – tanda ng pagkondena sa kanyang imbensyon. Nagising siya sa masamang pagtingin sa kanya ng madla at dahil diyan, itinatag niya ang Nobel Peace Prize na naglalayong kilalanin ang sinumang nagsisikap na pagtibayin ang pagkakapatiran ng mga bansa, pagsupil sa mga armas, at pagpapalaganap ng kapayapaan. Si Cory ay naging kandidata sa premyong ito.
Kung susundin ang Saligang-Batas, malapit nang matapos ang termino ni Gng Arroyo. Marami pa raw siyang dapat gawin, sang-ayon sa kanyang huling SONA. Maari siyang mag-ala Cory o kaya'y mag-ala Marcos. Piliin niya ang una't igagalang siya ng mga tao. Piliin niya ang huli at tiyak na isusuka siya ng madla.
Monday, August 10, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment