Powered by Blogger.

Thursday, October 15, 2009

Makisangkot

Bahagi na ng ating pananampalataya ang manalangin – nagsisimba tayo tuwing Linggo at iba pang espesyal na okasyon, nagrorosaryo tayo lalo na sa buwang ito, nagdedebosyon tayo sa mga santo, atbp. Subalit di dito nagtatapos ang ating pagiging mga Kristiyano. Kailangan nating lahukan ng pagkilos ang ating pagdarasal. Kagaya ni Jesus na ating Panginooon dapat din tayong makisangkot sa mundo.

Ang pananalanta ng magkasunod na bagyong Ondoy at Pepeng sa ating bansa ay nagdulot ng matinding dagok sa marami nating kababayan: nalubog sa tubig baha ang maraming tahanan at gusali; nasira ang maraming pananim na dapat sana’y aanihin na; marami ang binawian ng buhay.

Naniniwala ang Tanghalang Anluwage, Inc na matapos ang mga trahedyang ito, oras na para tulungang makabangong muli ang mga naapektuhan nating kababayan sa pamamagitan ng pangangalap ng pondong pantulong sa mga biktima lalo na sa mga mag-aaral sa elementarya na nangangailan ng mga school supplies upang maipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral.

Kumakatok kami sa inyong mga puso na makiisa sa proyektong ito. Sama-sama nating muling itaguyod ang mga nangangailan nating kababayan. Tulung-tulong tayong ipadama sa kanila na kaya nating malampasan ang anumang pagsubok sa buhay, na tayo’y naririto para sa isa’t isa, na ang Diyos ay tunay na nagmamahal at patuloy na kumikilos sa atin.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP