Powered by Blogger.

Thursday, October 29, 2009

Talamak


Hindi na kami nagulat nang magpahayag si Joseph ‘Erap’ Estrada, ang pinatalsik na pangulo ng Pilipnas, ng kanyang pagtakbong muli sa pagka-presidente. Sa palagay ni Erap ang eleksyon sa 2010 ay magsisilbing pagbawi niya sa pagkakataong ipinagkait sa kanya para mapaglingkuran ang masa nang mapaalis siya sa puwesto noong 2001.

Kahit bago pa siya naging pangulo, makikita na ang pagiging makapal ni Erap. Hindi na bago sa atin na isa siyang kilalang babaero. Ang mga anak niya’y di nanggaling sa iisang ina. Kapag nagpunta ka sa San Juan, iba ang kilala nilang ‘asawa’ ni Estrada.

Ang kakapalan na ito ay lalo pang lumala nang maupo siya sa Malacañan noong 1998. Inakala ng mga mahihirap na mayroon na silang tagapagtanggol subalit kabaligtaran ang sumambulat sa ating mga mukha nang madawit si Erap sa jueteng at nagpagawa ng mga mansyon para sa kanyang mga babae.

Napatalsik, nilitis, at hinatulan si Erap sa kanyang katiwalian, pero hindi inaasahang iaabswelto siya ni Gloria Macapagal-Arroyo sa pag-aakalang hindi na tatakbo ang dating pangulo. Lalo pa ngang lumakas ang loob ni Erap na ipangalandakang “ Wala akong kasalanan!”

Marami nang personalidad sa ating lipunan ay tinatratong parang mga mamahaling alahas sa kabila ng mga ginawa nila sa lipunan. Ang mga Marcos ay isa nang pangit na halimbawa. Matapos maabswelto, lumahok pa si Erap sa Pilipinas Game Ka Na Ba? at magkakaroon pa ng pelikula. At ngayon ay tatakbo pang muli!

Kung may natitira pa tayong kahihiyan at karunungan sa ating sistema itigil na nating ang pamimihasa ni Erap at ng iba pang nagbabalat-kayong kampeon ng mahihirap!

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP