Powered by Blogger.

Friday, November 06, 2009

Asin

Sa kanyang homilya nang siya’y italaga bilang Arsobispo ng Lingayen-Dagupan (Pangasinan), nanawagan ang Kgg. Socrates Villegas sa kanyang bagong kawan na maging asin para sa lipunan at para sa mundo.

Kilala sa paglikha ng mga acronyms, hinimok ni Villegas ang kanyang mga tagapakinig na samasamang maging ASIN tungo sa ikapagbabago ng lipunan at ikapagpapanibago ng Simbahan (http://www.rcam.org/Homilies/2009/homily_bishop_soc_installation_pangasinan_salt_of_the_earth.html)

Masagana ang ating bansa sa asin. Bukod sa maraming magagandang dulot ito, masasabing ito’y abot-kaya o kaya’ nahihingi lang sa kapit-bahay. Sa tindi ng kahirapan ito lang marahil ang maaaring kainin ng mga kapus-palad nating kababayan, bagay na binigyang-pansin ng butihing arsobispo. Malalamang walang pakain matapos ang Misa sa Kathedral ng Dagupan hindi dahil kuripot ang bagong luklok na pinuno, kundi pag-uukol ng perang pantulong sa mga dukha ng Pangasinan. Naniniwala siyang ganito rin ang gagawin ni Jesus kung nasa Dagupan Siya.

Ang hakbang na ito ni ‘Father Soc’ ay tunay na dapat tularan ng sinumang namumuno – di lamang ng mga lider Simbahan kundi ng mga lider ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan. Maraming beses na nating nasaksihan ang tahasang pagtatapon ng pera ng ilang makapangayarihan sa kabila ng kahirapan ng kanilang kapwa. Maraming beses nang pinulaan ang Simbahan sa pagiging maka-mayaman – ito’y binabago ng mga taong gaya ni Villegas na inaming ang kanyang bokasyon bilang pari ay hinubog ng mga aktibista sa lansangan ng EDSA Shrine kung saan dati siyang nanilbihan.

Kapansin-pansin din ang panawagan ng arsobispo sa mga kaparian na huwag maging duwag sa kanilang pagpapahayag ng at paninindigan sa Mabuting Balita. Kagaya ng asin na nagpapanariwa sa pagkain, mahalagang mapanatiling buo ng mga kaparian ang pananampalataya ng kanilang mga pinangangalagaan kahit minsan ang mensahe ng Mabuting Balita ay masakit, masaklap, o maanghang sa mga nakakapakinig nito.

Lubos kaming bumabati kay Arsobispo Villegas sa kanyang bagong tungkulin. Dalangin naming manatili siyang tapat upang mapangalagaan niya nang lubusan ang ating mga kapatid sa Lingayen-Dagupan, magsilbi siyang saksi ng paglilingkod-Kristiyano, at maging huwarang asin siya sa ikasusulong ng pagbabago sa Sambayanan ng Diyos.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP