Powered by Blogger.

Friday, November 13, 2009

Kabataang Asyano at Eukaristiya

Sang-ayon sa isang sarbey na pinangasiwaan ng Youth Desk ng Federation of Asian Bishops’ Conference (FABC), maraming kabataang Katoliko sa Asya ang hindi pa ganap na nakakaunawa sa halaga at papel ng Eukaristiya sa kanilang buhay.

30% sa 1,033 kabataang lumahok sa sarbey (mula sa 12 bansa sa Asya kasama na ang Pilipinas), ang naniniwalang nagbibigay-proteksyon sa kanila ang Eukaristiya laban sa masama; 17% naman ang nagsasabing nagbibigay ito sa kanila ng suwerte.

65% ng mga rumesponde naman ang naniniwalang Katawan ni Kristo ang kanilang tinatanggap sa Banal na Komunyon at kalahati sa mga rumesponde naman ang nagsasabing tinutulungan sila ng Eukaristiya para lumago ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Diyos.

Bukod dito, lumabas din sa sarbey na bagamat sapat ang pag-unawa ng mga kabataan sa Eukaristiya at normal lang ang kanilang pakikiisa sa pagdiriwang nito, mayroon itong kakaunting impluwensya sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Ito’y lubhang nakakabahala lalo na’t kung ituturing nating pag-asa ng Bayan at ng Simbahan ang mga kabataan. Hangga’t hindi natin ito pagtutuunan ng pansin, marami lang sa kanila ang magkakaroon ng mga maling pag-asa sa Eukaristiya. At kung ang kanilang inaasahang suwerte o proteksyon mula dito ay di matutupad, tiyak na mapapariwara lamang sila.

Minsan nang sinabi ng yumaong Pope Paul VI na hindi mga guro ang kailangan ng mundo, kundi mga saksi. Ito ay isang tungkuling nakaatang sa mga balikat ng mga nakatatanda – mga magulang, guro, pari, atbp. Mahalagang makilala muli nila ang bigat ng kanilang responsibilidad na ilagay sa tama ang mga kabataan.

Marahil maganda nang pagkakataon para sa ating mga kabataang Pilipino ang makiisa sa nalalapit na 5th Asian Youth Day (AYD) na gaganapin sa Imus, Cavite mula ika-26-27 ng Nobyembre ng kasalukuyang taon. Ang tema ng pagtitipong ito ay Young people of Asia: Come together, Share the Word, Live the Eucharist. Tinuturing na selebrasyon ng pananampalatayang Katoliko, nilalayon ng AYD na papanibaguhin ang Simbahan.

Dalangin naming magtagumpay ang AYD sa kanilang pagdiriwang. Totoong di sapat ang dalawang araw para mabigyan ng solusyon ang mga isyung lumitaw sa sarbey ng FABC, subalit ito’y maganda nang simula para hubugin ang mga kabataan sa wastong pang-unawa, pakikiisa, at pagsasabuhay ng Eukaristiya.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP