Wala na sigurong taong nagdulot ng kakaibang karanasan sa takbo ng buhay ng mundo kundi si Jesus, ang Diyos na nagkatawang-tao. Sa isang sanggol na isinilang sa sabsaban, natagpuan ng watak-watak na mundo ang matagal na niyang hinahanap para mabuo siyang muli at para muling makipagkasundo sa Diyos. At dahil nagpakita ang Diyos sa atin bilang isang kagaya natin, ang Kanyang pagdating ay nagbigay-daan din para makilala ang kapwa na hindi na kaiba sa atin.
Kay Jesus natagpuan at patuloy na matatagpuan ang pagkakaisa sa ating pamilya, sa ating lipunan, sa ating bansa’t daigdig, sa ating Simbahan. Kung mayroon mang dapat makitang pagbabago sa ating buhay ngayong 2010, ito ay ang pagkakaisang dulot ng pagdating ni Jesus sa ating buhay.
Matindi ang epekto ni Jesus sa ating kasaysayan kung kaya’t 2,000 taon na ang nakakalipas at patuloy pa rin ang pagpapapalaganap at pagdiriwang ng kanyang buhay at mga aral. Nakakalungkot lamang isiping sa kabila ng marami Niyang mga tagasunod (mas kilala ngayon bilang mga Kristiyano), hindi lahat ng ito ay napapabilang sa iisang relihiyon. May mga ‘Katolikong’ Kristiyano, ‘Protestanteng’ Kristiyano, at marami pang iba.
Nagkakaiba sa paniniwala ang mga relihiyong ito (na siyang dahilan kung bakit sila nagkawatak-watak) subalit pare-pareho nilang kinikilala’t sinasamba si Jesus bilang Panginoon at Diyos. Ang pagkilalang ito kay Jesus ay isang tanda ng pag-asa para makaisa pa rin ang mga ‘magkakapatid’ na relihiyong ito. At totoo na marami nang hakbang ang ginawa ng bawat isa tungo sa pagkakaisa. Ang yumaong Santo Papa Juan Pablo II ay madalas na nasaksihang nakikipagdiyalogo sa mga lider ng ibang Kristiyanong relihiyon gaya ng Church of England at Orthodox Church. Ang kahalagahan ng pagkakaisa ng lahat ng sumasampalataya kay Jesus ay kinilala ni Pope Benedict XVI noong mailuklok siya sa puwesto noong 2005.Kanyang ipinagpapatuloy ang anuman sinimulan ng mga hinalinhan niya. Isa nang bunga ng pagkakaisang ito ay ang pagtutulungan ng iba’t ibang Kristiyanong relihiyon sa pagpapalimbag ng Bibliya, ang ‘student exchange’ sa pagitan ng Catholic at Orthodox Churches, atbp.
Naniniwala kami na tayong lahat ay tinatawagang maging daan ng pagkakaisa, na sa ating mumunting paraan ay kaya nating abutin ang iba nating kapatid na Kristiyano. Makita rin nawa natin sa kanila ang pag-ibig kay Kristo at ang hangaring ikalat ang Kanyang Mabuting Balita sa iba. Iwasan natin ang tuksong tratuhin sila na mas mababa ang uri kaysa sa atin.
Mainam, lalo na sa Pilipinas, na magsama-sama ang mga Kristiyanong relihiyon para isulong ang dignidad ng buhay, ang pangangalaga sa ating kapaligiran, ang pagpapalaganap ng kapayapaan at katarungan, ang pagpuksa sa kahirapan, ang pagkakaroon ng malinis at mapayapang halalan, atbp.
Ngayong Enero, dalangin naming magkatotoo ang panalangin ni Jesus na ang lahat ng sumusunod sa Kanya’y magkaisa (Juan 17:21). Kung mangyayari ito, muling maririnig ang makapangayariha’t nakagagaling na tinig ng Panginoon sa mundong patuloy na nangangailangan sa Kanya.
Friday, January 08, 2010
Magkaisa Para sa Kanya!
Labels:
Jesus,
Katoliko,
Kristiyanismo,
Orthodox,
pagkakaisa,
Protestante
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment